DEBATE ang hamon ni Presidential Spokesperson Harry Roque laban kay Vice President Leni Robredo sa usaping ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Si Roque ay kilalang international lawyer na bihasa sa paksa bago naging tapagsalita ng Pangulo.
Kung bakit nakatuon sa ikalawang pangulo ang kanyang patama sa halip na kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na unang hinamon ng debate ni Pangulong Duterte, narito ang sagot ng tagapagsalita ng Malacañang.
“Eh kung gusto niya po eh kasi isa rin po siyang maingay. Ang problema po baka sabihin na naman ni Justice Carpio hindi ako pupwede abogado ka lang ordinaryo ako naging mahistrado. Si VP Leni wala rin pong tigil sa pagpupuna kay Presidente pagdating sa West Philippine Sea. Magka-dormitory po kami niyan si VP Leni. Magkaibigan pa po kami niyan pwedeng magdebate ang mga kaibigan,” pahayag ni Roque.
“So kung ayaw po ni Justice Carpio kasi ang tingin ko, yung subject matter ni Antonio Carpio talagang ayaw niyang magdebate kasi imposibleng pagdebatihan yung mga hindi naman sinasabi ni Presidente. So, dahil wala ring tigil po si VP Leni baka gusto niya kaming dalawa na lang para dorm mates vs dorm mates,”dagdag ni Roque.
(BASAHIN: Roque, inatasan ni Duterte na makipag-debate kay ex-Associate Justice Carpio)
Giit ni Roque, sesentro sa independent foreign policy ni Pangulong Duterte ang paksa kung sakaling kakasa sa hamon si VP Robredo.
“Same topic po. Has the President’s foreign policy, independent foreign policy resulted in derogation of sovereignty resulted or the loss of territory. Ito bang polisiyang panglabas ng presidente na independyenteng panglabas na polisiya ito ba’y nagresulta sa pagkabawas ng soberanya ng Pilipinas? O ‘di naman kaya nagresulta sa kawalan ng teritoryo. Yan po ang proposition,” ani Roque.
Bukod kina Robredo at Carpio, pinadaragdagan din ni Roque ng kakampi ang kabilang kampo.
“Kasi paulit-ulit nilang sinasabi na derogation of sovereignty, giving away territory- yan ang pagdebatihan. Pwede rin po silang dalawa ni Justice Carpio- magkasama. Isama na nila si Albert del Rosario,” dagdag pa ni Roque.
Samantala, pa-kantyaw naman ang sagot ng kampo ni VP Robredo sa hamon ni Roque.
Ayon sa tagapagsalita nito na si Atty. Barry Gutierrez, ang lakas daw maghamon ng debate ni Roque gayong umatras ang pangulo sa una niyang hamon kay Carpio.
Hirit din nito na tularan na lamang ang ikalawang Pangulo at magtrabaho na lamang.