Roque, inatasan ni Duterte na makipag-debate kay ex-Associate Justice Carpio

Roque, inatasan ni Duterte na makipag-debate kay ex-Associate Justice Carpio

MAGREREPRESENTA si Presidential Spokesman Harry Roque sa gagawing pakikipag-debate kay dating Associate Justice Antonio Carpio patungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Ito’y matapos umatras si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikinasang hamon na debate laban kay Carpio.

Ayon sa Malakanyang hindi naduduwag ang pangulo sa debate kundi umatras lamang ito dahil sa payo ng gabinete at ilang senador.

Bunsod dito, inatasan si Roque na siyang haharap sa retiradong associate justice.

“Supreme Court justice pareho man tayo abugado. Gusto — eh gusto mo magdebate tayo? Mga dalawa, tatlong tanong lang ako. Sino ang nagpa-retreat? At anong ginawa ninyo after sa retreat?” ang hamon at tanong ni Pangulong Duterte kina Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario hinggil sa usapin ng 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.

Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo, maski sinong abogado aniya ang tatanungin ay hindi maitatanggi ang nangyari na noong panahon nina Carpio at Del Rosario nawala sa Pilipinas ang dalawang teritoryo at napunta sa China.

Ani Pangulong Duterte ipinapasa lamang sa kanya nina Carpio at del Rosario ang kasalanan nila sa bayan.

Kaugnay nito, tinanggap naman ni Carpio ang hamon ni Pangulong Duterte na makipag-debate.

 “I gladly accept the challenge anytime at the President’s convenience,” ani Carpio.

Pero sa isang anunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sinabi nitong nakahanda na sana si Pangulong Duterte na makipagdebate kay Carpio patungkol sa isyu ng WPS.

Subalit dahil sa payo ng mga miyembro ng gabinete at ilang senador, nagdesisyon ang presidente na hindi na siya matutuloy sa pagharap kay Carpio, dahil wala anilang magiging mabuting resulta ang debateng ito para sa mamamayang Pilipino.

“Handang-handa po sana ang Presidente na dumibate pero kagabi po eh tinanggap po niya ang advice ng ilang mga miyembro ng gabinete kasama na po si Executive Secretary Medialdea. Ang sabi po ng ating mga Gabinete at sinusugan po ito ng dalawang senador – si Senate President Sotto at saka si Senator Pimentel – na unang-una, wala pong mabuting magiging resulta itong debateng ito para sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Roque.

Sambit ni Roque, malakas ang panindigan ng mga myembro ng gabinete na hindi dapat makipagdebate si Pangulong Duterte.

“Nanindigan po ang mga miyembro ng gabinete na bakit papayag sa debate eh nakaupong Presidente naman si Presidente Duterte at si Atty. Antonio Carpio bagama’t siya ay dating mahistrado ay ordinaryong abogado ngayon. Parang hindi naman po tabla ‘no na ang Office of the President na Presidente mismo ay haharap sa isang ordinaryong mambabatas. Parang hindi po patas,” ayon pa kay Roque.

Dagdag pa ng kalihim, iginiit ng cabinet members na napakahirap na mag-participate si Pangulong Duterte sa ganitong debate dahil nakaupo pa itong presidente, ibig sabihin, lahat ng masasabi ng Punong Ehekutibo roon ay makaaapekto sa mga polisiya ng gobyerno.

Makokompriso rin anila ang mga bagay-bagay na hindi nararapat na isapubliko.

“Hindi na po mababawi ang mga pupuwedeng sabihin ng Presidente sa debateng iyon bukod pa sa katotohanan na kaya nga po mayroon tayong tinatawag na executive privilege, iyong mga bagay-bagay na hindi dapat isapubliko para makagawa ng mga tamang desisyon – bagama’t hindi popular na desisyon – ang isang Presidente. Maku-compromise po iyong mga bagay-bagay na ito, iyong mga impormasyon na ito kung papayag po at ituloy ng Presidente ang pagdebate kay dating Supreme Court Justice Antonio Carpio,” dagdag ni Roque.

Sa kabila ng usaping ito, inihayag ng Malakanyang na tuloy pa rin ang debate laban kay Carpio.

Ito ay matapos italaga ni Pangulong Duterte si  Presidential Spokesman Harry Roque na siyang haharap sa retiradong associate justice.

“Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, it would be a pleasure to debate against you, I’ll you see you at the designated time and place,” paghamon ni Roque.

“Kung gusto po ninyo two versus one, kayong dalawa po ni Justice Carpio at kayo po Secretary Albert Del Rosario didebatehin ko po kayong dalawa, pero dapat kaparehong oras,” dagdag pa ni Roque.

Tumugon naman si Justice Carpio hinggil dito, sabi niya nakahanda itong makipagdebate sa sinumang itatalaga ni Pangulong Duterte.

“I am ready to debate with the President or with anyone he may designate on the factual accuracy and adverse legal implications to the Philippines of the President’s repeated claim that China is in possession of the West Philippine Sea,” ang tugon ni Carpio.

(BASAHIN: Dating DFA Sec. Del Rosario, kinwestyon hinggil sa Scarborough Shoal standoff)

SMNI NEWS