SIYAM na college and state universities ang naglaban-laban sa Fancy Silent Drill sa nagpapatuloy na Kalimudan Festival ng Sultan Kudarat.
Ito ay bahagi ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ng bawat participating schools.
Kabilang sa mga paralan ay ang University of Southern Mindanao (USM), Sultan Kudarat State University (SKSU), RMMC MI-Ramon Magsaysay Memorial College, Holy Trinity College of General Santos City, MSU Maguindanao, University of Southern Mindanao (USM), Southern Mindanao Institute of Technology (SMIT), Notre Dame of Marbel University (NDMU), at Upi Agricultural School (UAS).
Ang kompetisyon ay parte ng pagpapaigting sa disiplina ng mga kabataan sa probinsiya.
Ayon sa Reserve Command ng Philippine Army, mahalaga sa mga kabataan ang military training para turuan silang sumunod sa utos maging totoong makabayan.
At maging handa ang lahat sa anumang paparating na sakuna.
“Sa pag-execute nila ng mga movements na sabay-sabay ay isang pagpapakita ng kasanayan na kung saan ito ay makukuha mo lang sa tamang disiplina sa pagsunod sa command,” ayon kay Col. Florencio Politud, Jr., Group Commander, Reserve Command Region 12.
Muling nakuha ng Southern Mindanao Institute of Technology ang kampyenato at P200,000 na pot money.
Ayon sa Sultan Kudarat Provincial Government, ang Silent Drill Competition ay bahagi ng promotion nila sa nation-building.
“Napakaganda po nito dahil ipinapakita po ng ating mga kabataan ang kanilang disiplina, ang kanilang nationalism at napakarami pang iba. Dahil ito po ang sinasabi natin, ‘Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan’,” ayon kay Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu, Province of Sultan Kudarat.
Lahat ng mga hindi nanalong schools ay nag-uwi ng 50,000.
Lunes ng umaga naman ng ipunin ng provincial government ang lahat ng persons with disabilities (PWDs).
Kabilang sa mga unang pumila ay ang college student na si Ian.
Hiling niya na magkaroon siya ng artificial leg para hindi siya mahirapang pumasok sa eskwelahan.
“Na sana magkaroon ako ng prosthetic feet para hindi na ako mahirapan pag-akyat baba sa hagdanan sa 2nd floor at 3rd floor sa Isulan SKSU kasi dito ako nag-aaral,” ayon kay Ian Paul B. Brillantes, College student.
Si Ian ay isa lamang sa daan-daang may kapansanan na nangarap na mabago ang kanilang buhay sa tulong ng pamahalaan.
Hindi naman sila binigo dahil sa programa para sa PWDs ng Sultan Kudarat Provincial Government.
Sa naganap na PWD Day, mahigit 500 ang binigyan ng 5,000 na cash assistance.
23 ang binigyan ng libreng wheel chair at 106 ang nabigyan ng prosthetic leg and arm.
Susi sa programang ito ang executive secretary ni Gov. Mangudadatu na isa ring PWD.
“Tuloy-tuloy na ito from year on now na meron tayong programa para sa PWDs hindi lamang sa kalimudan kundi whole throughout the year,” ayon kay John Redondo, Executive Secretary to the Governor.
“Dito po sa Sultan Kudarat meron po tayong calling na dapat po inclusive ang lahat. So, we give the PWD the best service that we can provide,” dagdag ni Gov. Mangudadatu.
“Early next year, we will have another batch. Dahil ang aming gusto lahat talaga 100% ng PWD sa Sultan Kudarat maramdaman nila na andiyan ang kapamilya para sa kanila,” ani Gov. Mangudadatu.