INILAHAD ni Senator Francis Tolentino na patuloy na umaani ng suporta ang Philippine ROTC Games (PRG).
Sa isang panayam matapos ang closing ceremony para sa Luzon leg ng nasabing torneyo, araw ng Sabado ay sinabi ni Sen. Tol na bukod sa mga state universities and colleges ay maging ang pribadong higher education institutions ay naghayag ng suporta rito.
Ibinida ni Sen. Tol ang ROTC Games ay ang nag-iisang nationwide na palaro na maaring lahukan ng mga nasa kolehiyo.
Dahil dito, naniniwala rin ang mambabatas na malaki ang tsansa na ma institutionalize ang PRG.
“Wala tayong national games sa tertiary level ng buong Pilipinas. Mayroon tayo sa NCAA, Metro Manila ‘yun, UAAP, Metro Manila. Pero ‘yung mula Aparri papuntang Tawi-Tawi ito lang ‘yun,” ayon kay Sen. Francis “Tol” Tolentino, Chairman, ROTC Games.
Sen. Bato, pinuri ang mga lumahok sa ROTC Games
Bukod sa sportsmanship ang ROTC Games ay may layuning ma-develop ang patriotism sa mga kabataan na kabilang sa pangunahing elemento ng pagsusulong ng nation-building.
Kaugnay rito ay umani naman ng papuri mula kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga kadete na lumahok sa ROTC Games.
Sa kaniyang mensahe sa closing ceremony bilang keynote speaker ay sinabi ni Sen. Bato na kaniyang nakikita ang magandang kinabukasan ng Pilipinas sa mga kabataang may disiplina.
Pinuna ng senador ang mga kabataang nagpoprotesta sa kalsada at magagaling lang sa social media na ipinag-iingay ang pakikipag-giyera sa ibang bansa.
Sa kabila nito ay nilinaw naman ni Sen. Bato na bagamat ang mga makakaliwang kabataan ay hindi masasamang tao pero kailangan na maitama ang kanilang ideolohiya.
Ngayong tapos na ang Luzon Leg ng ROTC Games ay susundan naman ito ng NCR Leg at ng championships na gaganapin sa buwan ng Oktubre.