RTF-ELCAC, nakipag-ugnayan sa Cagayan Task Force upang palakasin ang anti- insurgency sa rehiyon

RTF-ELCAC, nakipag-ugnayan sa Cagayan Task Force upang palakasin ang anti- insurgency sa rehiyon

NAGSAGAWA ng provincial leveling session sa lahat ng barangay sa probinsya ng Cagayan upang wakasan ang Local Communist Armed Conflict sa rehiyon.

Para mas maunawaan ng kada barangay sa Region 2 ang pakikipaglaban ng gobyerno para wakasan ang insurhensya sa bansa, nagkaroon ng online provincial leveling session sa pangunguna ng Cagayan Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Sa pamamagitan ng zoom virtual platform, matagumpay na naisagawa ang provincial leveling session sa mga barangay officials sa buong rehiyon upang palakasin ang kapasidad ng mga ito at mas maunawaan ang Executive Order No.70 o ang buong pakikipaglaban ng bansa para makamit ang tunay na kapayapaan at wakasan ang 52 taon ng insurhensya dulot ng mga makakaliwang grupo.

Ayon kay DOLE Region 2, Regional Director Joel M. Gonzales, napakahalaga na maunawaan ng mga opisyales sa kada barangay ang EO 70 kabilang na ang paksa ng, knowing-the-enemy o (KTE) upang mas maintindihan ng mga ito kung ano ang Communist Terrorist Groups (CTGs) at maging malinaw sa mga ito ang programa ng gobyerno laban sa mga terorista.

Hinikayat din ni Gonzales ang mga katuwang na ahensya gaya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), National Economic and Development Authority (NEDA), and Department of the Interior and Local Government (DILG) na mas pag-ibayuhin pa ang pagtataguyod sa mga programang magpapalakas sa laban kontra insurhensya.

Hinamon din nito ang mga brgy. officials na mag-isip ng iba pang mga proyektong makatutulong sa pagpapalago ng programa sa kani-kanilang lugar.

Natapos ang aktibidad sa mensahe ni Cabinet Officer for Regional Development and Security, Sec. Silvestre Bello III, na ngayong napag-alaman na ng mga brgy. officials ang history at background ng mga terorista ay umaasa siyang matatapos na ang labang ito para sa tunay na kapayapaan.

Ani Bello, kung titignan, pinakamaliit na sektor ang mga brgy. ngunit pinakamahalaga ang papel nito para matugunan ang matagal ng problema ng insurhensya sa bansa.

Tiniyak naman ni Bello na may kaukulang pondong ipagkakaloob para sa programa na magtatapos sa insurhensya na isa sa iiwanang legacy ng Administrasyong Duterte.

(BASAHIN: 150 dating mga rebel, sinunog ang bandila ng CPP-NPA sa Cagayan)

SMNI NEWS