SINABI ng United States na hindi sumusunod ang Russia sa umiiral na New START na huling natitirang arms control treaty sa pagitan ng dalawang main nuclear powers ng mundo habang tumitindi ang tensyon nito sa Ukraine.
Ayon sa spokesperson ng State Department, hindi sinusunod ng Russia ang obligasyon nito sa New START Treaty na magsagawa ng inspection activities sa teritoryo nito at dahil sa pagtanggi ng Moscow dito ay nalalagay rin sa peligro ang umiiral na US-Russian nuclear arms control.
Ayon sa State Department, kailangan lamang ng Russia na pumayag sa inspection activities sa teritoryo nito gaya ng ginagawa nito sa mga taong nakalipas sa ilalim ng New START Treaty at dumalo sa session ng Bilateral Consultative Commission.
Matatandaan na inanunsyo ng Moscow noong Agosto ng nakaraang taon na sususpendehin na nito ang pag-inspeksyon ng US sa mga military sites nito sa ilalim ng New START.