NAGDEKLARA ng Day of Mourning ang bansang Russia kasunod ng nangyaring pag-atake sa isang concert sa Moscow na ikinasawi ng mahigit 100 katao.
Matatandaan na noong Biyernes ng gabi nang pasukin ng apat na armadong lalaki ang Crocus City Hall kung saan ginanap ang concert ng bandang Picnic at walang habas na pinagbabaril ang concert goers at sinunog pa ang lugar.
Tinatayang nasa mahigit anim na libo ang nagtipon-tipon sa naturang venue.
Inako naman ng teroristang grupong Islamic State (ISIS) na sila ang nasa likod ng pag-atake habang naniniwala naman ang iba na ang Ukraine ang nasa likod nito.
Sa ngayon ay arestado na ang apat na suspek sa naturang mass shooting.