S.A.F.E. NCRPO, aasahan sa ilalim ng liderato ni PBGen Estomo

S.A.F.E. NCRPO, aasahan sa ilalim ng liderato ni PBGen Estomo

OPISYAL nang umupo bilang acting regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Police Brigadier General Jonnel Estomo ngayong araw, Agosto 15.

Ito’y matapos ang turnover of command ceremony na ginanap sa Hinirang Multipurpose Hall sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Pinalitan ni General Estomo si Police Major General Felipe Natividad na itinalaga naman ngayon bilang bagong director ng Area Police Command sa Northern Luzon.

Ayon kay General Estomo, paiigtingin niya ang police visibility sa Metro Manila na dugtong sa kanyang battle cry na S.A.F.E. NCRPO.

“Kung may tinatawag tayong random checkpoint,  mayroong tinatawag din tayong random police visibility. Ira-random ko sila na visible para makita ng taongbayan yung sinabi ko kanina sa aking battlecry. Narinig niyo, very simple, SAFE NCRPO. Ano Yung S? The police must bee seen. Ano yung A? All our programs must be appreciated by the people. Ano yung F? All our programs must be felt by the people. Ano yung E? All our actions should be, not only be compliant but extraordinary,” pahayag ni Estomo.

Ibinahagi ni Gen. Estomo na isa rin sa kanyang mga prayoridad ang pagtutok sa seguridad sa pagbabalik ng face-to-face classes.

“Ang isa sa priority ko ngayon yung face-to-face classes. So I will utilize all the police in Metro Manila para bantayan yung pagpasok ng mga tao at pag-uwi nila,” ayon kay Estomo.

Samantala, binigyang-diin din ni Gen Estomo na ang kapulisan sa Metro Manila sa ilalim ng kanyang pamumuno ay tiyak na magbabantay sa mga tao.

“Habang ang mga tao ay tulog. Kaming mga pulis ng Metro Manila ay gising para bantayan kayong lahat,” ani Estomo.

Dumalo rin si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa nasabing turnover ceremony at aniya si Estomo ang pinakamainam na maging NCRPO chief.

“He is the excellent choice. The best choice so far,” ayon kay Dela Rosa.

“I know him so well. He is a very good operator. Multi-faceted ang kanyang panenerbisyo. Basta just wait and see,” dagdag ng senador.

Naniniwala rin ang senador na magagampanan ni Estomo ang kampanya kontra iligal na droga, kriminalidad, at partikular sa insurhensiya.

“Hindi nila maiisahan si Gen. Estomo. Exposed yan sa insurgency sa Mindanao. Alam na alam niya yan, how to handle insurgency issue. Hindi nila maiiisahan yan. Magaling yan,” ani Dela Rosa.

“With his track record. Alam kong he will deliver. Basta maaasahan ang tao na yan. And magaling, magaling na opisyal yan. Kaya ako nandito dahil bilib ako sa kanya,” dagdag ng senador.

Follow SMNI News on Twitter