NAIS ni President Yoon Suk-yeol na hikayatin ang international community na tugunan ang nuclear at missile threats ng North Korea sa araw ng kaniyang pagdalo sa Multilateral Summit na gaganapin sa Indonesia at India ngayong linggo.
Ito ang inihayag ni Yoon sa panayam sa Associated Press (AP) na inilabas isang araw bago ito tumungo sa Jakarta upang dumalo sa taunang summit kung saan kabilang dito ang Association of Southeast Asian Nations.
Ayon kay Yoon, sa nalalapit na ASEAN-Related Summits at G20 Summit, hihikayatin niya ang international community na tumugon sa patuloy na tumitinding missile provocation at nuclear threat ng North Korea at makipagtulungan sa denuklearisasyon nito.
Aniya, hangga’t ang mga parusa ng United Nation Security Council ay patuloy na ipinapatupad, ang mga pinansiyal na paraan ng North Korea para sa pagbuo ng mga sandata ay maaaring matigil.
Ayon kay Yoon ang mga pangunahing pinagmumulan ng pondo ng North Korea para sa nuclear at missile development nito na nanggaling umano sa pagnanakaw ng cryptocurrency, labor exports, pagpapadali sa mga maritime transshipments at iba pang ilegal na mga aktibidad.