IGINIIT ni Duterte Youth Party-list Rep. Drixie Mae Cardema na may sabwatan umano sina dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon at mga makakaliwang kongresista.
Ito’y matapos ipagtanggol ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel si Rowena Guanzon sa isang privilege speech sa plenaryo kamakailan.
Ayon kay Cardema, ‘klarong-klaro na kasinungalingan ang sinabi ni leftist Manuel na naka-assume na bilang kongresista’ si Guanzon bilang kinatawan ng P3PWD Party-list.’
Saad ng mambabatas, malinaw ang utos ng Supreme Court na huwag payagang mag-assume si Guanzon sa pwesto matapos katigan ng Kataas-Taasang Hukuman ang petisyon para ipa-review ang substitution ng dating COMELEC official sa party-list.
Paliwanag ni Cardema ‘makakaupo na sana ang P3PWD Party-list dahil nanalo ito at nanumpa na bilang Kongresista ang naproclaim nitong First Nominee na si Grace Yeneza.’
Ngunit, ‘nagkagulo lamang nang biglang pinalitan ni Guanzon si Yeneza at apat pang reserbang nominees nito, lampas isang buwan matapos ang election.’
Malinaw para kay Cardema na ang pagtatanggol ni Manuel kay Guanzon sa plenaryo ay isang sabwatan at pag-atake sa desisyon ng Korte Suprema.
“Kahit nakikita ng publiko at ng media ang katotohanan na may Supreme Court order na hindi siya makaupo, bumabanat pa si Guanzon sa mga media na nagsasabi ng utos ng Korte Suprema sa pagpigil sa kanya makaupo. Ito ay kasama sa kasong Indirect Contempt na inihain rin laban sa kanya,” ayon sa mambabatas.