Safeguards para sa Maharlika Investment Fund Act, tiniyak

Safeguards para sa Maharlika Investment Fund Act, tiniyak

TINIYAK ni House Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda na hindi maaabuso dahil lalagyan ng ‘safeguards’ ang panukalang batas para likhain ang Maharlika Investment Fund.

Katunayan, nagtayo sa Kamara ng technical working group kung saan si Salceda ang chairman para ilatag ang ‘safeguards’ ng panukala.

Ani Salceda, may tatlong auditing layers para sa Maharlika Investment Fund kabilang na ang internal, external, at mga taga Commission on Audit o COA.

Maglalagay rin ng apat na layer ng good corporate governance kabilang na ang board of directors, advisory body, risk management unit at congressional oversight committee para matiyak ang transparency.

Lalagyan din nila ito ng multiple audit requirements, independent directors at treasurers ng pamahalaan na uupo sa board.

Susunod din ang Santiago Principles o ang international standards sa pamamahala sa sovereign wealth funds.

Ganito kahigpit ang safeguards dahil kukunin sa government financial institutions ang kapital ng Maharlika Investment Fund na ilalagay sa lilikhaing Maharlika Investment Fund Corporation para ipang-invest sa iba’t ibang business ventures.

Nang sa ganun ay lumago ang pera ng gobyerno at magamit pang pondo sa iba’t ibang state projects.

Sa ilalim nito, mag-aambag ang GSIS ng P125 billion, habang tig-50 million naman sa SSS at Landbank at P25 billion mula sa DBP.

Mga pagkukunan sa pondo ng Maharlika Investment Fund:

  • Government Service Insurance System- P125 Billion
  • Social Security System- P50 Billion
  • Land Bank of the Philippines- P50 Billion
  • Development Bank of the Philippines- P25 Billion

Source: House of Representatives

Samantala, ipinaliwanag naman ni Salceda kung bakit napapanahon na ng pagsasabatas sa Maharlika Investment Fund Act.

“Ang sovereign wealth fund kasi is off budget. Kasi pag dumaan ka sa GAA, may 306 congressman na nag-aagawan para sa kabutihan ng kanilang constituency. So hindi yun nare-reflect dun yung national priorities masyado. Itong sovereign wealth fund will essentially focus on those projects, national development projects that are off national character like a dam, it should benefit the entire Luzon for example or the entire Mindanao or a grid that will essentially interconnect can stabilize our power supply. So, pag pinasok mo kasi doon sa House, siyempre nag-aagawan kami kasi accountable kami sa mga distrito namin. So yung lechon nagiging dinuguan,” pahayag ni Salceda.

Sa ngayon, lusot na sa House Committee on Banks and Intermediaries ang panukala at nakatakdang pagdebatihan sa House Plenary sa susunod na linggo.

Follow SMNI News on Twitter