IGINIIT ni House Secretary General Reggie Velasco na inihinto nila sa Kamara ang pagbibigay ng sahod kay Negros Oriental Rep. Arnie Teves.
Ito’y matapos patawan si Teves ng 60-day suspension dahil sa patuloy na pagsuway sa kautusan ng Kamara na umuwi na ng bansa.
Matatandaan na binigyan ng Kamara ng travel authority si Teves na mag-abroad mula Feb 28-March 9 subalit, buhat nang ituro ang kongresista bilang umano’y mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo ay hindi na ito nauwi ng bansa.
Batay naman sa House Rules, giit ni Velasco na ang isang suspindidong congressman ay tatanggalan ng suweldo, office space at iba pang pribilehiyo.
Subalit dahil first case si Teves, ay wala pang malinaw na panuntunan para dito.
“Wala pang precedent in the past this is the first na ginawa ng House of Representatives to suspend a member because of this, they call it disorderly behavior,” ani Velasco.
Sa ngayon wala pa aniyang pinal na desisyon ang liderato ng Kamara kung tatanggalan ba talaga ng office space si Teves sa Batasan Complex at kung mag-aappoint ba ng legislative caretaker sa kaniyang distrito.