DAPAT bigyang halaga at parangal ang mga ninunong Pilipino na nagbuwis ng buhay at sakripisyo para sa kalayaan ng bansang Pilipinas mula sa dayuhang sumakop.
Ito ang pahayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa kaniyang mensahe sa ika-125 Philippine Independence Day.
Aniya, ang kalayaan na ating tinatamasa ay hindi lang noong nagpasimula ang kasaysayan ng bansa kundi nagpapatuloy pa rin ang epekto nito sa hinaharap ng bansa.
Dagdag nito, sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng bansa magbalik-tanaw tayo na ang pangunahing layunin ng diplomatikong bansa ay ang makamit ang internasyonal na pagkilala para sa Pilipinas bilang unang republika sa Asya.
Sa kabilang banda, ibinida ng DFA ang tema nito ngayong 2023 na kalayaan, bilang pangunahing prinsipyo ng misyon ng ahensiya, kinabukasan na sumisimbolo sa dedikasyon ng departamento sa pagbuo ng isang maunlad, mapayapa, at pantay na kinabukasan, at kasaysayan na nag-uugnay sa ahensiya sa kasaysayan ng bansa.