SA kanyang programang Spotlight araw ng Miyerkules, Marso 1, sinabi ni Pastor Apollo C. Quiboloy na pabor siya na amyendahan ang 1987 Constitution.
Ani Pastor Apollo, dapat maisaayos ang Konstitusyon upang masolusyunan ang mga modernong problema sa bansa.
“Pwede ito kasing ating Konstitusyon dapat ito ay maisaayos na, to address the modern problems of our country,” saad ni Pastor Apollo C. Quiboloy, Kingdom of Jesus Christ.
Kaugnay nito, sinabi rin ng butihing Pastor na pabor siya sa pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Con-con o Constitutional convention dahil aniya dapat ang taumbayan ang magtatalaga sa kung sino ang karapat-dapat na maging framers ng Saligang Batas.
“Tao ang magtatalaga. Galing talaga sa tao, hindi lang sila lang,” ayon pa sa butihing Pastor.
Matatandaang isinusulong ni Senator Robinhood Padilla sa Senado ang pag-amyenda ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional assembly o Con-ass habang isinusulong naman sa Mababang Kapulungan ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constitutional convention (Con-con).
Alinsunod sa Con-ass, kapwa mambabatas ang magtatalaga sa kung sino ang dapat maging framer ng Saligang Batas habang sa Con-con naman ay ang taumbayan ang boboto.
Isinusulong din sa Kamara na isabay ang pagboto ng taumbayan patungkol dito sa darating na Barangay at SK elections.