PILOT testing ngayong araw ng Philippine Red Cross o PRC para sa RT-PCR Saliva test gamit lamang ang laway ay pwede nang ma-detect kung may COVID-19 ba ang isang indibidwal o wala.
Ang kainaman nito ay hindi makararamdam ng sakit ang subject ng test kumpara sa RT-PCR swab test na kinukuha ang sample sa ilong ng isang tao.
Tatagal naman 3-4 na oras bago malaman ang resulta ng saliva test.
Ayon sa PRC, game changer ito para sa mga Pilipino.
“Unang-una, ang bibilis eh.Bibilis ang testing natin.Pangalawa, mas mura at hindi ka na gagamit ng PPE. Very affordable yung test, mas marami tayong ma-test sa mga bata na nasa eskuwela, nasa trabaho puwede na tayong mag-test doon. We can go to a factory and test everybody kaya game changer at saka hindi invasive,” pahayag ni PRC Chairman Richard Gordon.
Mabibili lamang sa P2,000 ang saliva test, mas mura kung ikukumpara sa swab test nasa P3,500 ang presyo.
Ayon kay Gordon, mababawasan pa raw ang presyo nito.
“Walang pinagbago sa PCR. Ang nagbago lang dito kinukuha ‘yung laway. So, ito bababa ng P2,000. Kung maraming magte-test bababa pa ‘yan,” aniya pa.
Diin pa ni Senador, mas makikinabang sa saliva test ang senior citizens at yung mga may pre-existing condition na bawal lumabas ng bahay.
Nasa 95% naman ang concordance rate nito swab test- ibig sabihin, magkalapit ang kanilang effectivity sa pagsuri ng virus.
Samantala, personal na sumalang sa saliva test si dating Health Secretary Paulyn Ubial na ngayon ay nasa Red Cross na.
Hindi inabot ng limang minuto at hassle free ang pagpapatest ni Ubial.
“Yung saliva test kasi as we all know, ang COVID is by droplet infection, so natural present ang COVID virus sa saliva. So, ito ang pinaka-easily accessible na specimen for the RT-PCR,” ayon kay Ubial.
Ayon din kay Ubial, matagal nang ginagamit sa ibang bansa ang saliva test.
Sadyang mabagal lamang raw talaga ang mga ahensiya ng pamahalaan kung kaya huli na itong dumating sa bansa.
“Actually, April pa lang may approval na ‘yung saliva test sa Japan, July sa U.S. So, talagang medyo nahuli tayo pero as early as September we were trying to talk to the US, University of Illinois, para magamit rin sa Pilipinas itong saliva test. So, medyo nahuli nga tayo dito sa Pilipinas,” ani Ubial.
Nakipag-partner naman ngayon ang PRC sa 15 DOH hospitals sa Metro Manila para sa pilot testing ng saliva test.
Unang gagamit nito ang mga health worker bilang bahagi ng kanilang routine test.
Bahagi ito ng requirements na inilatag ng Department of Health para masuri kung epektibo ba ang bagong sistema.
Sa ngayon ay hindi pa ina-aprubahan ng Food and Drugs Administration ang aplikasyon ng Red Cross para makapagsagawa sila ng saliva test sa mga paliparan sa bansa.
Nilinaw naman ng PRC na ang swab test pa rin ang Gold Standard para sa COVID-19 test.
Ang dinala lamang nila sa Pilipinas ay mas maginhawa, mas mura at mabilis na testing method kontra COVID-19.
Inaasahan naman ng PRC na tataas ang testing capacity ng bansa dahil dito.
May sapat din silang suplay ng saliva test dito sa bansa.