Saliva testing para sa COVID-19, kinakailangan pa ng mas malalim na pag-aaral

KINAKAILANGAN pa ng mas malalim na pag-aaral ang saliva testing para sa COVID-19.

Ito ang iginiit ng Department of Health (DOH) kaugnay ng suhestyon ng Philippine Red Cross (PRC) na gumamit ng saliva tests bilang mas mura at mas mabilis na alternative sa RT-PCR (nasal swab) test.

Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, Nobyembre pa nang magsumite sila ng rekomendasyon sa PRC hinggil dito ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin itong sagot.

Nakapaloob ani Vergeire sa rekomendasyon ang pagkakasa ng karagdagang pag-aaral, bilang ng participants sa clinical trails at pagkuha ng approval mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Bukod aniya sa PRC ay nagsimula na rin ng pag-aaral ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kaugnay ng viability ng saliva test para sa COVID-19 noong Nobyembre at inaasahang matatapos ito sa Abril.

Oras na mapatunayan na sapat ang level of acceptability nito at ebidensya ay posible itong magamit sa buong bansa sa pag-detect ng COVID-19.

SMNI NEWS