SALN, hindi dapat maisapubliko kung gagamitin sa pulitika -BBM

SALN, hindi dapat maisapubliko kung gagamitin sa pulitika -BBM

WALANG nakikitang dahilan si Presidential aspirant at dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (BBM) para maging accessible sa publiko ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng mga pulitiko.

Ito ay kasunod ng naging katanungan kay BBM na kung mahahalal sa pagkapangulo ay pabor ba itong maisapubliko ang kaniyang SALN at salungatin ang naging restriksyon ng Ombudsman sa pagpapalabas ng naturang dokumento.

Ayon kay BBM, kung gagamitin sa political agenda at para maidiin ang isang tao katulad ng nangyari kay Former Chief Justice Renato Corona ay walang rason para maisapubliko ito.

Matatandaan na noong May 09, 2012 ng mahatulan ng impeachment si Corona dahil sa bigo itong maipalabas ang kaniyang ilang assets sa SALN.

Sa botohang ginawa ng senado ay isa si Marcos kasama si Miriam Defensor Santiago at Joker Arroyo ang tumutol dito.

Dagdag pa ni Marcos, pabor siyang maipalabas ang SALN kung ito ay gagamitin o kakailanganin sa korte.

Ang ibang presidential aspirants gaya ni Senator Manny Pacquaio mas pinili na huwag ng husgahan ang pananaw ni BBM pagdating sa SALN.

Ang malinaw aniya sa kaniyang panig ay dapat obligado ang mahahalal na pangulo, at ang lahat ng opisyal sa gobyerno na maisapubliko ang kanilang SALN.

“Hindi ko po huhusgahan o bibigyan ng anumang kahulugan ang pahayag na yan ni BBM. Basta sa ilalim po ng aking pamumuno, di lang po ang pangulo ang obligadong isapubliko ang SALN kundi maging ang lahat ng opisyal ng gobyerno.” Sinabi ni Sen. Manny Pacquiao

Si Senator Panfilo Ping Lacson wala pang komento hinggil dito pero matagal na nitong sinabi na pabor siyang maisapubliko ang kaniyang SALN.

Matatandaan din na sinabi noon ni Lacson na magpopokus ito sa issue at sa kaniyang merito at hindi sa personalidad habang nangangampanya sa 2022 elections.

Follow SMNI NEWS on Twitter