GAGANAPIN na ang Miss Grand International 2020 sa Bangkok, Thailand bukas, Marso 27 kung saan pambato ng Pilipinas si Miss Grand Philippines Samantha Bernardo.
Nanguna si Samantha sa top five sa best in swimsuit competition, kabilang din sa nakapasok ang mga kandidato mula sa Indonesia, Mexico, Cambodia, at Paraguay.
Sa prelimination ay ibinida ni Bernardo ang “LIPAD” gown na hango sa “yellow-throated leafbird,” isang uri ng ibon na matatagpuan sa kanyang hometown sa Palawan.
Gumawa rin ng ingay sa social media ang Miss Grand Philippines dahil sa kanyang eagle-inspired national costume.
Sa isang post mula sa Bb. Pilipinas Facebook page, ang costume ni Samantha na “Agila” ay sumasagisag sa pambansang ibon ng bansa —ang Philippine Eagle.
“This costume also intends to create awareness because the Philippine Eagle is critically endangered, mainly due to massive loss of habitat resulting from deforestation in most of its range,” ayon sa nakasaad sa post.
Sinabi ng designer na si Patrick Isorena, ginamit nito ang kulay na ginto bilang sagisag sa pagkilala sa Miss Grand International golden crown.
“Just like gold, it is extravagant, wealthy, rich, and indestructible, like Samantha —a queen who never gave up on her dreams,” aniya sa kanyang Instagram post.
Noong 2018 ay nanalo bilang 2nd runner-up sa Binibining Pilipinas si Samantha.
Taong 2019, siya ay itinalagang kakatawan ng bansa para sa Miss Grand International matapos madiskwalipika ang titleholder na si Aya Abesamis dahil sa restriksyon sa edad.