San Fernando, Pampanga, planong gawing modelo para sa social dev’t

San Fernando, Pampanga, planong gawing modelo para sa social dev’t

PLANONG gawing Model City for Social Development ang San Fernando City.

Ito ang ipinahayag ni Mayor Vilma Caluag sa kaniyang kauna-unahang State of the City Address (SOCA) na ginanap sa Laus Group Convention Center.

Bilang unang taon ngayon ng kauna-unahang babaeng alkalde ng San Fernando City, Pampanga ay masaya nitong ibinahagi ang lahat ng suliranin ng kahapon at katagumpayan ng ngayon at ang mga plano nito para sa kinabukasan ng siyudad.

Una nitong iniulat ang pagkakakuha ng San Fernando City ng kabuuang 99.93 porsiyento ng customer satisfaction rating noong Abril 2023 at ang pagkaka-sustain ng siyudad ng ISO Certification for 18 processes.

Idiniin din nito ang importansiya ng malakas na fiscal management sa pamamagitan ng iba’t ibang ahensiya sa aspeto ng budget at funding na siyang nagresulta sa zero na suspensiyon mula sa Commission on Audit (COA), disallowances at charges habang inaayos ang local investment incentive code ng City of San Fernando, Pampanga (CSFP) upang makabuo ng mas maunlad na lokal na ekonomiya sa siyudad.

“On behalf of the Department of Interior and Local Government, headed by the Secretary, Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ay malugod kong tinatanggap ang accomplishment report ng City of San Fernando for the past year,” ayon kay Atty. Anthony Nuyda, Regional Director of DILG Central Luzon.

Sumunod dito ay ang inklusibong edukasyon na sinusulong ng alkalde, kung saan sa ilalim ng kaniyang liderato ay nakapagtala ng 40% increase ang City College of San Fernando mula sa unang 700 ay nasa halos 3-K estudyante na ngayon dahil sa open door policy na kaniyang ipinatupad.

Palalakasin din nito ang isyu sa pangkalusugan lalong lalo na sa mental health ng mga kabataan.

Marami rin itong naibahagi sa usaping imprastruktura, agrikultura, turismo, at marami pang iba.

Ilan lamang ito sa kaniyang 10 point agenda at marami pang iba kabilang na ang tagumpay nito sa isyu ng kuryente sa naging direktiba ng Energy Regulatory Commission sa San Fernando Electric Light & Power Company (SFELAPCO) na bayaran ang multa at i-refund ang ‘other’ at excess charges nito sa mga konsyumer na pumapatak ng P2,424,321,874.

Para sa alkalde, overwhelming ang kaniyang kauna-unahang SOCA dahil na rin sa suporta na natatanggap nito mula sa mga Fernandino, bagay na siyang mas nagpapalakas sa kaniya upang gawin ng mas mabuti at maayos ang kaniyang trabaho.

“Nakakataba po ng puso di ho ba, hindi lang po taga-San Fernando ‘yung tumitingala sa atin at nananalangin sa atin kasi nga malaking challenge po kasi ang ating kinakaharap na mga challenges dito sa siyudad especially ‘yung usaping kuryente ano po, pero mapapanalo natin yon, believe me.

Kaya naman sa kaniyang paunang bahagi ng ulat ay kaniyang binanggit ang plano nitong gawing ‘Model City’ ang San Ferando City para sa social development,” ayon kay Mayor Vilma Caluag, San Fernando City.

“Marami pa tayong naka line up na programs. May proseso ang lahat, hindi natin pwedeng madaliin. Ang importante, sabi nga nila napakabilis nga daw po yung pagkilos natin kasi imagine-nin niyo po kung nakita natin ang program, paano kaya natin mapapaigsi or masasabi lahat ng programs at projects natin na hindi maiinip ang mga tao. Kasi gusto ko na maibahagi lahat sa kanila at malaman ang mga pinaggagawa natin dito sa siyudad,” dagdag ni Mayor Caluag.

Masaya ang mayora na nakakatulong ito sa maraming Fernandino at pagsusumikapan pa na mas marami pang mga programa ang kaniyang maibahagi at maipatupad para sa kaniyang mga nasasakupan sa susunod pang mga taon ng kaniyang termino.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble