San Juan City, nagpatupad ng panibagong curfew hours

MULING nagpatupad ng city-wide curfew hours ang San Juan City mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. sa layuning makontrol ang pagtaas ng bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa komunidad.

Sinabi ni Mayor Francis Zamora, napagdesisyunan ito ng lokal na pamahalaan dahil sa pagtaas ng bilang ng impeksyon ng COVID-19.

“Para sa kaligtasan ng bawat isa sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila,” ayon sa pahayag ni Zamora sa kanyang Facebook.

Sa ilalim ng City Executive Order No. FMZ-072, tanging ang health workers, essential government and private workers, security personnel, public transportation, at delivery drivers, at ang may health emergency lamang ang hindi kabilang sa curfew hours.

Papatawan ng multa o kulong ang lalabag sa ilalim ng Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act.

Multang P20,000 hanggang P50,000 o isa hanggang anim na buwang pagkakulong ang inilaan sa mga mahuhuling lalabag.

Hanggang kahapon, umabot nasa kabuuang 41,822 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).

Mula sa kabuuang bilang, 2,688 ang bagong kaso at 13,384 ang naitala sa nakaraang dalawang linggo.

Hanggang Marso 8, nasa 163 active cases ang San Juan ayon sa Department of Health (DOH).

SMNI NEWS