Sara Duterte, pormal nang nanumpa bilang ika-15 na Bise Presidente ng Pilipinas

Sara Duterte, pormal nang nanumpa bilang ika-15 na Bise Presidente ng Pilipinas

PORMAL nang nanumpa si outgoing Mayor Sara Duterte bilang ika-15 na Bise Presidente ng Pilipinas nitong araw ng Linggo.

Sa kanyang maikli ngunit malaman na talumpati, binigyandiin nito ang pagkakaroon ng determinasyon na magserbisyo sa bansa at kahalagahan ng pamilya.

Naniniwala rin si VP Sara Duterte na ang kanyang mga narating ngayon ay bahagi ng kalooban ng Makapangyarihang Diyos na siya ay maglingkod sa tao.

Sinabi pa ni Mayor Sara na ang Diyos ang laging gagabay sa kanya upang makatulong sa mamamayang Pilipino na malagpasan ang kahirapan nilang nararanasan.

Nagpapasalamat din si VP Sara sa mahigit 32 milyong mga Pinoy na nagtiwala sa kanya at nagbigay sa kanya ng mandato para maglingkod sa bayan.

Dapat din aniyang magkaisa ang lahat na bumangon at sumunod sa bawat panawagan na maglingkod at ipakita ang pagmamahal sa Pilipinas.

At kasabay ng pagdiriwang ng Father’s Day, inihayag ni VP sara na ipakita ang pagmamahal sa bansa sa pamamagitan ng pangangalaga sa pamilya at kumunidad kahit maraming kinakaharap na mga suliranin.

Sinabi ni Duterte na mabigat ang hamon na kinakaharap ng mga bata ngayon at ang isang malakas, mapagmahal at masayang pamilya ang maglalatag ng kanilang pundasyon sa kanilang paglaki.

Sa huli, sinabi ni VP Sara na hindi man siya ang pinaka matalino at pinaka magaling ngunit walang makatatalo sa kanyang tibay ng loob bilang isang Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter