HUMINGI ng patawad sa kanyang mga magulang si Pop Star Princess Sarah Geronimo sa pamamagitan ng isang open letter na nakapost sa kanyang social media.
Bagamat tinanggal na nito ang naturang post, batay sa screenshots ng netizens ay sinabi ni Sarah na humihingi ito ng paumanhin sa kanyang mga magulang na labis na nasaktan dahil sa kanyang mga naging desisyon sa buhay.
Pinapasalamatan niya naman ito sa buhay na ibinigay sa kanya at wala aniyang hanggan ang kanyang pagmamahal dito.
Hindi man nito nilinaw kung ano ang dahilan ng kanyang pag-post subalit kung matatandaan ay hindi naging maganda ang relasyon ni Sarah sa kanyang mga magulang matapos sekreto itong nagpakasal noong 2020 kay Matteo Guidicelli.
Samantala, maliban sa ipinabatid na pagmamahal nito sa kanyang mga magulang ay nagpapasalamat din ito sa Panginoon at sa kanyang fur babies dahil ito aniya ang mga naging inspirasyon niya sa gitna ng mga hamon sa buhay.