NAGLAAN ng pamahalaang panlalawigan ng Sarangani ng P48.5 milyon bilang suporta sa mga residente na nangangailangan ng mga serbisyong advanced and critical care sa mga pribadong ospital.
Sinabi ng Sarangani Governor Steve Chiongbian Solon, ang pondo ay gagamitin sa hospitalisasyon at iba pang may kaugnayan sa tulong para sa mga mahihirap na pasyente mula sa pitong munisipalidad ng probinsiya.
Aniya, nagkaroon ng mga memorandum of agreement ( MOAs) sa pagitan ng local government at ng maraming pribadong ospital sa lungsod upang tumanggap ng mga pasyente sa lugar.
Kabilang sa pinondohan ang hospitalization assistance na nagkahalaga ng P26 milyon sa ilalim ng MOA, ang P12 milyon para sa augmentation funding sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis Situation program, at ang P10.5-M ay sa emergency assistance sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation.
Tiniyak naman ng gobernador na patuloy na isakatuparan ng probinsiyal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga support program sa pamamagitan ng flagship nitong Sulong Kalusugan.
“These remain among our top priorities as we continue to enhance our health services,” pahayag nito.
Kabilang din sa nasabing pondo ang pagpapalago at pag-upgrade sa mga ospital sa munisipyo at distrito ngayong taon sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at iba pang may kaugnayang stakeholder.
Inaprubahan ngayong buwan ang pag-upgrade ng Glan Medicare Hospital (GMCH) sa bayan ng Glan.
Ayon sa opisyal, nakapaglabas ng P100 milyon ang DOH para sa konstruksyon ng karagdagang pasilidad at pagpapalago ng ospital, at karagdagang P21 milyong halaga ng pasilidad ang inaprubahan para sa pag-upgrade ng mga kagamitan.
Bilang Level 1 facility, ang operating at delivery room ng GMCH ay fully functional na ngayon at nakapagsasagawa na ito ng surgical operations kagaya ng cesarean section delivery at appendectomy.
Itinutulak din ng gobernador na maaprubahan sa madaling panahon ang aplikasyon para sa Level 1 status ng Malungon Municipal Hospital.
Aniya, patuloy din nilang papalaguin at papaunlarin ang mga serbisyo sa provincial hospital na balak gawing isang tertiary o Level 2 facility.