Sasakyan na sangkot sa ‘Rent Tangay’ narekober ng QCPD

Sasakyan na sangkot sa ‘Rent Tangay’ narekober ng QCPD

MATAGUMPAY na narekober ang isang Toyota Innova na may Plate No. DBO-2554 na sangkot sa isang Rent Tangay Scheme noong alas-3:00 ng hapon, Mayo 25, 2024 sa Taytay, Rizal.

Ito ang inanunsiyo ni PMaj. Hector Ortencio, hepe ng District Anti-Carnapping Unit (DACU).

Ayon sa ulat, noong Mayo 19, 2024, alas-5:00 ng hapon, isang Reymart Erni, nasa hustong gulang at residente ng Panungyan 1, Mendez, Cavite, ang nagrenta ng Toyota Innova mula sa Auto Piloto Car Rental na matatagpuan sa Lot 5, Bloomfields Subd., Brgy. Tambo, Lipa City, na pinamamahalaan ni Jasper Lalog ng tatlong araw.

Subalit, hindi na ibinalik ng suspek ang nasabing sasakyan, dahilan upang magreklamo si Lalog sa Lipa Police Station noong Mayo 24, 2024.

Kasunod nito, alas-6:00 ng gabi sa parehong araw, nakatanggap ng impormasyon si Lalog na nakita ang ninakaw na sasakyan sa Libis, Quezon City. Agad niya itong inireport at humingi ng police assistance sa DACU na kaagad na nagsagawa ng surveillance sa lugar at nakakuha ng impormasyon na ang sasakyan ay nakita sa Ortigas Extension, Taytay, Rizal, kung saan matagumpay itong na-recover mula sa pag-iingat ni Amelia Villamil.

Samantala, ayon kay Villamil, nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang isang kliyente na nagngangalang Manuel Rocky Loude Jr. at nakiusap na pansamantalang iparada ang nasabing sasakyan sa kaniyang tirahan hanggang sa ito ay makuha sa Mayo 26, 2024.

Ang na-recover na sasakyan ay pansamantalang naka-impound sa DACU habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Kasong paglabag sa R.A. 10883 or the New Anti Carnapping Act of 2016 ang isasampa laban kay suspek Erni samantalang kasong paglabag sa P.D. 1612 o ang Anti-Fencing Law ang kakaharapin naman ni suspek Loude Jr.

Follow SMNI NEWS on Twitter