NANATILING ‘very good’ ang satisfaction rate ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung ilarawan ang resulta ng survey na mataas pa rin ang satisfaction rate ng Pangulo ayon sa Malakanyang.
Tiniyak ng palasyo na patuloy na paiiralin ng punong ehekutibo ang pagiging ‘decisive’ at ‘compassionate’ na pamumuno sa natitira nitong termino.
Welcome sa malakanyang ang lumabas na resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kaugnay ng satistaction rating ni Pangulong Duterte.
Nabawasan man, subalit nananatiling mataas pa rin sa 75% ang satisfaction rate ni Pangulong Duterte sa buwan ng Mayo at Hunyo 2021.
Ito ay batay sa lumabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Huwebes.
Sa gitna ng kinakaharap na COVID-19 pandemic, nakakuha si Pangulong Duterte ng satisfaction rating na 84% noong Nobyembre 2020.
Sa naturang panahon, 9% ang undecided habang 6% ang dissatisfied.
Sa survey nitong Mayo at Hunyo 2021, bahagyang bumaba ang satisfaction rating ng punong ehekutibo sa 75%.
Base pa rin sa SWS, +79 ang net satisfaction rating ni Pangulong Duterte noong November 2020, +65 naman noong May 2021 at +62 noong Hunyo 2021.
Pawang pasok pa rin ito sa klasipikasyon ng SWS na “very good.”
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi maituturing na alarming, bagkus, “very good” pa rin ang pinakahuling satisfaction rating ni Pangulong Duterte na bumaba sa 75%.
‘’Pero itong bahagyang pagbaba po ay hindi naman po mabilis na pagbaba ‘no – 75 po – at tingin ko naman po dahil mayroon pa tayong 3% na margin for error, mahigit-kumulang na hindi naman po tataas ng 7 points ang binaba ng ating Presidente. So that is po hindi masyadong alarming and it is still very good by any standard,’’ayon kay Sec. Harry Roque.
Sinabi rin ng kalihim na wala namang Presidente na hindi bumababa ang kanyang trust at satisfaction rating lalo na kapag papalapit na ang eleksyon.
Natural lang din aniya na sa panahon ng eleksiyon ay humahanap ng paraan ang mga kandidatong pulitiko para bumaba ang rating ng administrasyon, para sila’y manalo.
‘’Well inaasahan naman po natin na walang presidente na hindi bumaba sa kaniyang trust and satisfactory rating habang palapit na po ang eleksiyon. Siyempre habang mag-i-eleksiyon na, iyong mga kakandidato eh hahanap ng paraan para mapababa iyong rating ng administrasyon dahil kung hindi, wala silang pag-asang Manalo,’’dagdag nito.