Saudi Arabia, nangangailangan ng 1-M Filipino skilled workers—DMW

Saudi Arabia, nangangailangan ng 1-M Filipino skilled workers—DMW

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na nangangailangan ang Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ng 1-M Filipino skilled workers sa loob ng hanggang 2 taon.

Ayon sa DMW, magkakaroon sila ng special hiring program para makamit ang 1-M skilled workers na hinihingi ng KSA sa loob ng hangang 24 buwan.

Inihayag ni Migrant Workers Secretary Susan Ople na karamihan sa kailangang trabaho ng KSA ay para sa mga Pilipino na nasa tourism industry, gaya ng nasa sektor ng hotel at restaurant, hospitality industry, at ilang skilled workers sa construction industry.

Para sa Saudi government, ang mga ganitong uri ng trabaho ang nakikita nilang mas bagay sa mga Pilipino workers.

Paliwanag naman ni Usec. Atty. Patricia Yvonne ‘Py’ Caunan, bago ang COVID-19 pandemic ay nasa 1.6-M ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa KSA, pero ngayon ay nasa halos 700-K na lamang ang Pilipino sa naturang bansa.

Dahil dito, target ng Saudi government na maibalik sa dating normal ang bilang ng mga nagtratrabahong Pilipino roon.

Para maging posible, kailangan magkaroon ng special hiring program ang DMW.

Dagdag din ng kalihim, sa ikalawang linggo ng Hunyo ay nakatakdang bumista sa bansa ang technical team ng KSA, para pag-usapan ang mahahalagang mechanics at kakailanganin sa pag-hire ng skilled workers.

Pag-uusapan din kung paano mas mapapababa pa ang recruitment cost sa pag- hire ng mga manggagawang Pilipino na patungong KSA.

Bukod sa KSA ayon kay Ople, interesado rin ang United Arab Emirates para sa bilateral talks, kaugnay naman sa hiring ng Filipino healthcare workers.

Saudi government, pursigido na bayaran ang unpaid salary ng OFWs—DMW

Kaugnay rito, kinumpirma rin ng DMW na ang Saudi government ay purisigido na bayaran ang unpaid salary at iba pang benepisyo ng mahigit 10-K OFWs na nawalan ng trabaho matapos ideklarang bankrupt ang ilang Arab construction company noong 2015 at 2016.

Patuloy naman ang pagtitiyak ng gobyerno ng Saudi na ang perang pambayad sa mga OFW at iba pang mga mamamayan ay nasa Saudi Ministry of Finance.

Samantala, patuloy rin ang ginagawang pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas sa Kuwaiti governement ang pag-uusap kaugnay sa kapakanan ng nasa 260-K Pilipino roon.

Sa ngayon, ayon sa Department of Foreign Affair at DMW ay patuloy silang nakatayo sa kanilang unang nilabas na pahayag.

Matatandaan sa opisyal na pahayag na ang   lahat ng mga aksiyon na ginawa ng embahada  at ng pamahalaan ng Pilipinas ay para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa Kuwait.

Ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga mamamayang Pilipino roon ay isang matatag na tungkulin ng consular offices sa ilalim ng  international law at conventions.

Sa pormal na pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait, ipinahayag din ng delegasyon ng Pilipinas ang buong paggalang nito sa mga batas ng Kuwait at malalim na pagpapahalaga sa mabuting pakikitungo ng Kuwait government sa mga OFW roon.

Ang naturang pahayag ng mga opisyal ay kasabay sa isinagawang Asia-Gulf Cooperation Council (GCC) senior officials’ dialogue na dinaluhan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas kabilang ang DMW, DFA, City of Taguig, International Organization for Migration (IOM), UN Network on Migration, International Labor Organization, UN Office of the High Commissioner for Human Rights (UN-OHCHR) na ginanap sa Bonifacio Global City, Taguig.

Ang dayalogo ay kaugnay sa mga isyu sa pagpatutupad ng global compact for safe, orderly and regular migration, tulad ng isyu ng mataas na recruitment fees at kaugnay sa mga gastusin at epekto nito sa labor mobility ng mga migranteng manggagawa, at ang koneksiyon sa pagitan ng climate change at labor mobility.

Samantala, kahit kumpiyansa ang DMW na babayaran ng KSA government ang hindi pa nababayarang sahod ng mga OFW ay wala pang eksaktong petsa na ibinibigay ang KSA kung kailan ito mapapasakamay sa mga naturang OFW.

Follow SMNI NEWS in Twitter