ISANG malaking street party ang isinagawa para sa pagtatapos ng Bangus Festival ng Dagupan.
Mga malalakas na palo ng tambol, mga makukulay na pag-indak— ito ang naging hudyat para sa umpisa ng huling araw ng Dagupan Bangus Festival.
Kahit nag-aagaw sa ulan at init ang langit ay sumugod ang mga tao sa De Venecia Highway ng Dagupan City na isinara para sa nasabing okasyon.
Bagamat highlight dito ang napakahabang pila ng libu-libong kilo ng inihaw na bangus, ay agaw-pansin pa rin ang streetdancing kung saan ipinapakita, sa pamamagitan ng pagsasayaw, ang kuwento ng Bangus Festival.
Sa Bangus Festival, na talagang dinudumog ng mga tao mula sa mga kalapit na lungsod at munisipalidad, ay tampok din ang mga sikat na singers at mga banda.
Sa katunayan, 7 entablado ang inihanda ng lokal na pamahalaan para sa mga performers.
Kabilang sa mga bumisita sa Kalutan Ed Dalan street party ay sina Secretary Benhur Abalos, Jr., Senator Francis Tolentino, Health Usec. Eric Tayag, mga foreign diplomats at marami pang iba.
Naitala ng Dagupan City ang World’s Longest Barbecue record mula sa Guinness World Records noong 2003 sa pagdaraos ng Kalutan ed Dalan.
Sa nasabing taon, 10 libong piraso ng bangus ang inihaw sa pinakamahabang barbecue grill na may sukat na 1,007.56 metro ang haba.
Ang Bangus Festival ay nagsimula sa 2002, pansamantala man itong natigil ng pandemya ay ngayong 2023 naman ang tinatayang pinakamasayang selebrasyon nito.