PALALAWIGIN ng Sabah ang nagpapatuloy na sea curfew hanggang Oktubre 7 dahil sa banta ng panganib sa mga border sa estado.
Ayon kay Sabah Police Commissioner Datuk Idris Abdullah, kinakailangan pang palawigin ng 2 linggo ang sea curfew dahil sa patuloy na pagbabanta mula sa mga kriminal na cross-border kabilang ang kidnap-for-ransom group.
Bukod pa rito, sinabi ni Datuk Idris na kinakilangang ipagpatuloy ang 6pm-6am curfew upang maiwasan ang pagpasok ng mga terorista at kriminal na maaring magbanta sa kaligtasan ng mga naninirahan sa estado.
Saklaw ng curfew ang mga lugar hanggang 3 nautical miles sa labas ng Tawau, Semporna, Kunak, Lahad Datu, Kinabatangan, Sandakan at Beluran.
Ang curfew ay nagpapahintulot sa mga awtoridad na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan ng Sabah na gumagamit ng tubig at nananatili malapit sa ESS Zone (Eastern Sabah Security Zone).
Matatandaang unang ipinatupad ang curfew noong Hulyo 19, 2014 kasunod ang sunud-sunod na kaso ng kidnapping sa lugar.