MAS pinasaya at mas pinaganda ang Sealew-Silew Ed Binmaley o Christmas Lighting 2024 ng bayan kung saan bago ang seremonya ay iprenesenta ang mga contestant ng Binibining Binmaley sa taong 2025.
Ang nasabing masayang taunang pagdiriwang ay naging posible sa pagtutulungan ng buong bayan ng Binmaley sa pangunguna ni Mayor Pete Merrera upang bigyan ng kasiyahan ang bawat Binmalenian.
“Itong pailaw po na ito, alam po natin na marami pong nasasayahan ng mga taga- Binmaley. Ginagawa natin ito para lang alisin ang problema ng bawat mamayan dito sa Bayan ng Binmaley. So, nakikita natin kung gaano kasaya ang Bayan nating Binmaley dahil dito sa Ilaw-ilaw. It’s ano, taun-taon ng ginawa natin ito, at binbigyan natin ng kahulugan ang bawat ilaw sa ating Bayan ng Binmaley dahil ang ilaw ay nagsisimula ng kaligayahan sa bawat mamayan sa Bayan ng Binmaley,” ayon kay Mayor Pete Merrera Binmaley, Pangasinan.
Ipinaliwanag naman ni Mayor Pete ang naging konsepto kung bakit ito tinawag na Sealew-Silew Ed Binmaley.
“Nakikita naman natin dahil ang ating Bayan ay Sigay-sigay talaga. Kung nakikita niyo ang mga fisher folks natin ay mahilig sila mag-silew-silew ‘pag humuhuli ng mga isda. So, inilalarawan ‘yung parang Christmas Lighting na ‘yan parang silew-silew,” saad ni Mayor Merrera.
Kasabay naman ng silew-silew, ang presentasyon ng mga kandidata para sa Binbining Binmaley 2025 at Miss Gay Elemental Queens.
“Ang masasabi ko po, is kitang-kita naman po sa lahat ng tao po is nag-enjoy po at maganda rin po ang kinalabasan ng programa pong ito,” ani Nestle De Guzman Official Candidate, Binibining Binmaley 2025.
Dinaluhan din ito ng mga konsehal ng bayan at nakiisa rin dito ang lahat ng mga barangay.
“Yes 100%, wala ‘yung division, we are all united for this Christmas,’’ ayon kay Butch Merrera – ABC President, Binmaley.
Ang silew-silew ay taunang ginagawa ng bayan ng Binmaley ngunit mas pinaganda pa ito ngayong taon.
Samantala, muling binigyang-linaw ni Mayor Pete ang ilang isyu ukol sa pondo ng taumbayan.
Ayon kay Mayor Pete, siya ay tunay na matapat at may trasparency sa pera at pondo ng munisipyo at palagi aniyang dumudukot sa sariling bulsa para sa iba pang mga pangangailangan ng bayan.
Saad ng alkalde, mas mainam din na pera na lang ang ibigay sa mga senior citizen upang buo ito nilang matatanggap na walang bawas at sila na lang ang bahalang bumili hindi tulad nang dating administrasyon na mga groceries ang ipinamimigay.
Paliwanag ni Mayor Pete sa kanyang administrasyon, siya ay may zero disallowance certification na natanggap mula sa Commission on Audit na patunay na tama ang kanyang pagastos sa pera ng taumbayan.
Sinagot din ni Mayor na hindi totoo ang akusasyon na mula sa pondo ng bayan ang mga jersey ng Inter Barangay Basketball League, bagkus nagmula ito sa kanyang sariling bulsa at magre-resign siya kung mapapatunayan ni Vice Mayor Rosario na galing ito sa pondo ng bayan.
Sa ngayon, tuloy-tuloy din ang paglalagay ni Mayor Pete ng solar lights sa mga kalsada ng Binmaley upang maiwasan ang disgrasya at krimen sa gabi.
Sa huli, sinabi ni Mayor na kawawa ang taumbayan na iniwanan na magbabayad ng daan-daang milyong utang ng nakaraang administrasyon ni former Mayor.
“Okay kung sana, pinag-aaralang mabuti ‘yung utang na ‘yan, hindi kawawa ‘yung Bayan ng Binmaley. Kung titingnan natin, ‘yung local source fund, hindi kayang bayaran ang utang sa dahilan na maliit lang ang koleksyon. Masuwerte ka ngayon dahil masipag ang Mayor, pinalaki ang local source fund kaya halos nakakagawa tayo ng mga bagay na angat sa ating pangangailan sa ating Bayan,” ani Mayor Pete Merrera.
Samantala, abangan ang mga nakakapanabik na mga aktibidad sa darating na Sigay Festival 2025 sa bayan ng Binmaley kung saan magkakaroon ng Kalutan Ed Dalan o Ihaw-Ihaw sa Daan, Binibining Binmaley at marami pang iba.