MISMONG ang Philippine Navy ay nagpahayag ng kahandaang tumulong sa paghahanap sa mga bangkay ng 34 sabungero na matagal nang nawawala at umano’y inilibing na sa Taal Lake.
Ito’y matapos na hingin ng Department of Justice (DOJ) ang tulong ng Philippine Navy, partikular ng mga technical divers nito, para sa posibleng search and retrieval operation ng mga labi ng naturang mga biktima.
Bagamat sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na opisyal na kahilingan mula sa DOJ, tiniyak ng Philippine Navy ang kanilang kahandaan anumang oras na sila’y kailanganin.
Sa katunayan, agad anila nila itong irerefer sa Naval Special Operations Command na siyang may kakayahan at kagamitan para magsagawa ng ganitong klase ng operasyon.
Ang kaso ng 34 nawawalang sabungero ay patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Ayon sa isang testigo na nagpakilalang security guard ng Manila Arena na may alyas na “Totoy,” ang mga sabungero ay pinaslang at inilibing sa Taal Lake matapos umanong mahuli na nandaraya sa laro ng sabong.
Sinabi pa ng testigo na ginamitan umano ng tie wire o alambre ang mga biktima nang sila’y paslangin.
Matatandaang anim na security guard ng Manila Arena ang itinuturo bilang mga pangunahing suspek sa kaso. Kabilang dito sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Ronerto Matillano Jr.