IKINAGULAT ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang panawagan na itigil ang pag-angkat ng remdesivir lalo’t malaking tulong ang naturang gamot sa mabilis na recovery ng kalihim mula sa sakit na COVID-19.
Ito’y matapos ang panawagan ng isang mambabatas na itigil na ang pag-aangkat ng remdesivir na ginagamit din para sa COVID-19 treatment.
“Nagulat po ako diyan dahil ang totoo po, nagpaalam na ako sa daigdig na ito noong pangatlong araw ng aking pagkakasakit. Ganoon po kasama iyong aking pakiramdam,” pahayag ni Roque.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Davao City, ibinahagi ni Presidential Spokesperson ang karanasan nito nang tamaan ang kalihim ng sakit na coronavirus.
Aniya, maganda ang naging resulta sa kanyang pag-inom ng remdesivir kung saan gumaan ang kanyang pakiramdam at naging madali ang kanyang recovery.
“Pero noong binigyan po ako ng dalawang dosage ng remdesivir, pang-apat na araw ay nakatayo na po ako. Hindi po full-blown press brief ang ginawa ko noon pero kung maalala ninyo noong araw ng linggo, binasa ko na iyong quarantine classification. So, ganoon po kabilis ang aking recovery after two dosages of remdesivir,” ani Roque.
Una rito, binatikos ng dalawang mambabatas ang pagbili ng Department of Health (DOH) ng P1-B ng remdesivir.
Kinwestyon nina Anakalusugan Rep. Michael Defensor at House Deputy Speaker Lito Atienza ang hakbang na ito ng DOH at sinabing tila aksaya lamang ito sa pera.
Sinabi ni Defensor na posibleng maharap sa criminal charges ang mga opisyal ng DOH kapag ipilit nila ang pagbili ng karagdagang suplay ng remdesivir.
Ito ay sa kabila ng pag-reject ng World Health Organization (WHO) sa paggamit ng naturang gamot bilang panlunas sa mga pasyente na may COVID-19.
“We consider all new purchases of remdesivir as reckless and foolish spending in light of the WHO recommendation, and considering that [the] government is scrounging for money to buy more COVID-19 vaccines and pay for the P2,000 cash aid for every Filipino contemplated under the Bayanihan 3 Bill,” ayon kay Defensor.
Nagbabala rin si Defensor sa mga susunod pang pagbili ng naturang anti-viral drug dahil sa pasok aniya ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“All further purchases of remdesivir – after the WHO came out with its adverse recommendation – may be deemed as transactions highly detrimental to the government under the Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” ayon kay Defensor.
Tugon naman ni Health Secretary Francisco Duque III sa usaping ito, walang iregularidad sa pag-angkat ng remdesivir.
Bukas din ani Duque ang DOH sa anumang imbestigasyon kasunod ng pagkwestyon ng dalawang mambabatas at pahayag ng mga ito na maaaring maharap sa graft charges ang mga opisyal ng ahensya at ng Food and Drug Administration (FDA) kaugnay ng pagpapahintulot ng paggamit ng remdesivir.
Ipinaliwanag naman ng kalihim na sa kabila ng hindi pagrekomenda ng WHO na gamitin ang naturang anti-viral drug, discretion naman aniya ng pamahalaang Pilipinas ang pag-otorisa ng paggamit nito.
Ito rin ang naging pahayag ni Secretary Roque.
“Well, hindi naman po requirement ang WHO approval. Ang importante po ay iyong EUA or compassionate special permit na iniisyu ng ating Food and Drug Administration (FDA),” ani Roque.
Samantala, nilinaw ni Health Secretary Duque na ang mga ospital ang bumibili ng remdesivir at hindi ang DOH, hindi rin ang DOH ang direktamenteng nag-iimport.
Ito’y dahil ang mga ospital ang may hawak ng compassionate special permit na inisyu ng FDA.
Pahayag pa ng DOH chief, mayroon ng mahigit limampung pampublikong ospital ang gumagamit ngayon ng remdesivir para sa severe at critical COVID cases.