Sec. Roque, itinanggi na na-expose sa kanyang staff na nagpositibo sa COVID-19

MARIING itinanggi ng tagapagsalita ng Malakanyang na si Secretary Harry Roque na na-expose siya sa kanyang staff na nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19.

Sinabi ni Roque na hindi siya na-expose sa nakahahawang COVID-19 noong nagtungo ito sa Boracay nitong weekend.

“Maraming malisyoso na sinasabi na nagpunta raw ako roon maski alam ko na na-expose. Hindi po totoo iyan. Kalokohan po iyan,” pahayag ng kalihim.

Kung maalala, nagpahayag si Roque na naka-isolate siya matapos umanong makasalamuha ang staff na nagpositibo sa COVID RT-PCR test.

Sa kabila nito, sinabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na negatibo ang resulta ng kanyang COVID-19 test.

Paggiit pa ng kalihim, hindi niya nakasama sa Visayas ang kanyang staff na may positive result sa coronavirus.

“Ako po ay nasa Iloilo at Boracay…iyong trip po to Visayas, hindi po, wala pa akong exposure doon. At hindi ko po kasama sa Visayas iyong staff ko na nag-positive….at sa aking staff,” ayon kay Roque.

Kaugnay nito, walang ideya si Roque kung saang lugar nagsimulang na-infect ng virus ang kanyang staff.

Sa kabilang banda, muling pinabulaanan ng Palasyo ang umano’y “double standard” sa pagpapatupad sa mga alituntunin kontra COVID-19.

Ang pahayag ay may kinalaman sa usapin na may ilang opisyal ng pamahalaan ang pinahihintulutang makapagbiyahe at makapunta sa kanilang destinasyon na hindi na sumailalim pa sa COVID-19 testing at quarantine measures.

Depensa naman ni Roque, hindi puwedeng maantala ang pagbibigay-serbisyo ng pamahalaang nasyunal sa iba’t ibang lugar ng bansa.

Pagtitiyak ng kalihim, isang daang porsyento siyang tumatalima sa umiiral na health at safety protocols.

Inihayag ng Malakanyang na may kaniya-kaniyang protocols ang lahat ng ahensiya ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at nagbigay garantiya na hindi nito papayagang maging spreaders ang mga kawani ng pamahalaan.

SMNI NEWS