NAGBAHAGI ng pananaw ang isang political analyst kaugnay ng nilagdaang apat na kasunduan ng Pilipinas at Indonesia at kabilang na nga rito ang patungkol sa security and defense.
Napakahalagang bagay ang isang state visit ng Pangulo lalo’t bahagi ito ng kanyang opisyal na tungkulin bilang chief architect ng foreign policy.
Ito ang binigyang-diin ni Professor Froilan Calilung, isang political analyst at faculty member ng UST Political Science Department sa Laging Handa public briefing.
Sa pamamagitan ng state visit, ani Calilung, mapapanatili ng Pilipinas ang pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan sa lahat ng mga bansa sa mundo, lalo na sa mga may kaparehong interes ng Pilipinas.
Kaya naman, ikinatuwa rin ni Prof. Calilung at naging unang stop ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang mga kalapit-bansa sa ASEAN, partikular ang Indonesia at Singapore.
“Because I think it’s very important that we maintain close relationships with them. And if I may echo out iyong binanggit nga ni President BBM, it’s not just that we are neighbors, not just friends but we’re kin, so magkakamag-anak,” pahayag ni Calilung.
Sinabi ni Prof. Calilung na importanteng makita ng bansa kung paano mapalakas ang bilateral relation sa Indonesia pagdating sa larangan ng security and defense.
Partikular din aniya sa isyu ng counter-terrorism.
“Particularly with Indonesia on matters concerning, iyon nga, counter-terrorism; how we can strengthen interoperability ng ating mga troops; how could we actually have what we call military skills transfer and education,” ayon kay Calilung.
Aniya, talagang makabuluhan ang mga naturang usapin dahil isa sa geopolitical concerns ng Pilipinas ang problema sa terorismo at krimen.
“These are actually very, very relevant especially because in this area, one of the important geopolitical concerns natin is iyon nga, iyong flux ng terrorism and transnational crimes,” ayon pa kay Calilung.
Pagdating naman sa ekonomiya, kailangang umusbong ang Pilipinas sa pag-imbita at pag-engganyo ng foreign investments.
Mahalaga aniya na makita kung papaano matututunan ang best practices ng Indonesia at Singapore sa larangan ng ekonomiya.
“And I think, maganda na matuto tayo from Singapore and Indonesia because they are actually at par ‘no, iyong mga ekonomiya nila, they’re performing very well especially their economic fundamentals are very sound, I mean as compared to us, you know, in the Philippines,” ani Calilung.
Bukod sa ekonomiya, makabuluhan at kapakipakinabang din aniya sa bansa ang socio-cultural, political, at maging ang military talks.
“So I think all these economic, socio-cultural and political, and even military talks actually are very, very relevant and at the same time, very beneficial for us as a country,” aniya pa.
Pagkatapos sa Indonesia, ay nasa Singapore ngayon si Pangulong Marcos para sa state visit pa rin.
At ngayong gabi, ay makikipagpulong si Pangulong Marcos sa Filipino community sa Singapore ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.
Aniya, tinatayang nasa 200,000 na mga Pilipino ang nagtatrabaho at naninirahan sa Singapore.
Nasa Singapore si Pangulong Marcos Jr. sa imbitasyon ni President Halimah Yacob para i-renew ang bilateral commitments at advance PH-Singapore economic cooperation.
Una rito, sinabi ni Cruz-Angeles na naging “very productive” ang state visit ni PBBM sa Indonesia.
Inihayag pa ng Press Secretary na hindi aniya inaasahan ng Pangulo na ang pag-uusap sa pagitan nito at ni President Joko Widodo ay uusad nang napakabilis sa ganoong kaikling panahon.