Security guard na nanakit ng isang batang nagtitinda ng sampaguita sa labas ng mall, sibak na; Iba pang paglabag ng security guard inaalam na ng SOSIA

Security guard na nanakit ng isang batang nagtitinda ng sampaguita sa labas ng mall, sibak na; Iba pang paglabag ng security guard inaalam na ng SOSIA

SA viral video na ito, makikitang pinapaalis ng guwardiya ang batang naka-uniporme na nakaupo sa hagdan habang bitbit nito ang sampaguita na kanyang paninda.

Pero, makikita ang paghablot ng gwardiya sa paninda at sinira ito na makikitang sumabog pa sa sahig ang mga bulaklak at maya-maya pay sinipa rin ng gwardiya ang bata.

Nangyari ito gabi ng January 15, 2025 habang naglalako ng sampaguita ang batang babae na nakasuot pa ng kanilang school uniform.

Matapos ang insidente, agad na nagpalabas ng pahayag ang SM Megamall kung saan agad na sinibak sa serbisyo ang guwardiya.

Bukod rito, hindi na rin pahihintulutan na makapagtrabaho sa alinmang SM Group of Companies ang nasabing gwardiya.

Umani rin ng iba’t ibang reaksiyon ang naturang video dahil na rin sa kawalan anila ng konsiderasyon ng guwardiya sa bata at maaari naman daw paalisin ang bata sa maayos na paraan.

Samantala, mayroon ding isinasagawang imbestigasyon ang pamunuan ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) sa insidente kaugnay sa iba pang paglabag ng gwardiya sa tinuran nito sa bata.

“Nag-conduct na sila ng motu proprio investigation po. If mapatunayan ang violation ng code of ethical standards and iba pang violation maaari po masuspinde ang guard or ma-revoke ang lisensya. Sa Agency, idi-determine pa ang posibleng violation,” ayon kay Lt. Col. Eudisan Gultiano Spokesperson, SOSIA.

Sa panig naman ng Mandaluyong Police, wala pa sila natatanggap na reklamo kaugnay sa insidente habang inaalam na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng bata maging ang eskwelahan na pinapasukan nito base sa suot nitong uniporme.

“Wala pong complainant, pero pinapunta ko sa megamall ang investigators natin para ma identify sana ang bata. Pina-check ko na din sa local schools kung saan ang uniform na suot nya,” saad ni Col. Grace Madayag Chief, Mandaluyong City Police.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter