HINDI sang-ayon si Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. sa inilabas na abiso ng Canadian government para sa mga kababayan nito.
Ayon kay PNP chief, maituturing na “unfair” o hindi patas ang ginawang abiso ng Canadian government.
Paliwanag ng opisyal, sinisikap ng kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.
“I don’t agree because it will be unfair not only to the whole country but most specially sa lahat ng mga agencies, involve ‘yung mga law enforcement agencies at tsaka lalong-lalo na sa mga kapulisan natin na nagpapakahirap, they are doing their best I think the right appreciation should be accorded to them,” pahayag ni PGen. Benjamin Acorda Jr., Chief, Philippine National Police.
Ipinagmalaki rin ng opisyal ang naging resulta ng global survey na pangatlo ang bansang Pilipinas sa buong Asya na madalas pinupuntahan ng mga dayuhan.
Ngunit sa kabila nito, aminado ang heneral na marami pang dapat gawin ang kapulisan upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino.
“It’s a matter of how we convinced them specially the Canadian citizens that really the statistics will speak for itself, maybe there’s a lot more to do, siguro mga kailangan gawin pa when it comes public perception sa foreigners specially sa Canadian citizen to convinced them na maganda ang sitwasyon ngayon,” dagdag ni Acorda.
Matatandaan nitong Enero 10, 2024 ay inilabas ng gobyerno ng Canada ang nabanggit na travel advisory.
Dahil umano sa krimen, terorismo, civil unrest, at kidnapping kaya pinagbawal ang pagbiyahe sa mga probinsiya ng Mindanao gaya ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao, Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Cotabato, Sarangani, South Cotabato, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at Sultan Kudarat.
Habang inilabas din nito ang “avoid non-essential travel” sa mga lugar ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte (maliban sa Siargao Island), Surigao del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur (maliban sa Davao City), Davao Occidental, at Davao Oriental.
Nauna nang inihayag ng National Security Council (NSC) na ang inilabas na travel advisory ng Canada ay hindi sumasalamin sa kasalukuyan at totoong sitwasyon ng seguridad hindi lang ng Mindanao kundi maging sa buong bansa.
Ayon kay National Security Adviser at NSC chair Eduardo Año na ang pag-assess sa seguridad ay isang ongoing process lalo pa’t patuloy ang mga ginagawang hakbang upang maiwasan ang anumang banta sa seguridad.
“While we appreciate their concern for the safety and security of Canadian citizens, we wish to express our disagreement with the basis and scope of the advisory,” pahayag ni Sec. Eduardo Año, National Security Council.
Binigyang-diin din ng opisyal na bumubuti ang sitwasyon ng buong bansa kung kapayapaan ang pag-uusapan, ito’y base na rin sa ranking ng Pilipinas sa global terrorism index.
“We emphasize that the peace situation in the Philippines, especially in Mindanao, has greatly improved as reflected in the improved ranking of the Philippines in the Global Terrorism Index from being part of the top 10 countries affected by terrorism a few years back to rank 18 last year,” dagdag ni Año.
Sa panig naman ng Philippine Army, sinabi ni Philippine Army Spokesperson LtCol. Louie Dema-ala na nirerespeto nila ang inilabas na travel advisory ng Canada ngunit sinabi nito na walang nagbago sa kanilang mandato at patuloy pa rin nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin para mapanatili ang peace and order sa buong bansa.
“We respect naman ‘yong declaration or ‘yung nilabas na babala ng Canadian Embassy regarding sa security ng kanilang mga kababayan however the Philippine Army is still ginagawa parin natin ang mandato natin to really mantain peace and order sa ating lugar,” wika ni LtCol. Louie Dema-ala, Spokesperson, Philippine Army.
Dagdag pa nito na sa mga nabanggit na lugar na inilabas ng Canada, nakasisiguro ang militar na kontrolado nila ang sitwasyon at makasisiguro ang publiko na ang seguridad na naipatutupad.
“But as to the Philippine Army, we are still at the peace and order sa mga areas na ‘yon is still manageable and under control,” dagdag ni Dema-ala.
Para naman sa dating tagapagsalita ng Malakanyang na si Atty. Harry Roque, sinabi nito na hindi masisisi ang bansang Canada maging ang ibang bansa sa kung advisory ang kanilang ilalabas.
“Unang-una hindi naman natin madidiktahan ang gobyerno ng iba’t ibang bansa kung anong advisory maibibigay nila sa kanilang mga kababayan, siempre pinangangalagaan nila ang well-being at safety ng kanilang mga kababayan,” saad ni Atty. Harry Roque, Former Palace Spokesperson.
Sinabi rin nito na high-tech na ang kagamitan ng Canada kaya hindi na rin maisasantabi na maaaring mayroon itong nalalaman na banta sa seguridad kaya mas mainam na makipag-ugnayan aniya ang security sector ng Pilipinas sa Canada.
“Medyo advance ang intelligence gathering ng mga Canadians so kesa sila ay magbalat sibuyas at magsabing walang katotohanan ‘yan I would rather na umupo sila doon sa mga sugo ng Canada at mga defense attache ng Canada at intindihin kung bakit nagkaroon ng ganyang travel advisory,” ani Roque.