Seguridad ngayong BSKE 2023, nananatiling mapayapa—PNP

Seguridad ngayong BSKE 2023, nananatiling mapayapa—PNP

NANATILING mapayapa ang seguridad ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong BSKE 2023 .

Handang-handa na ang Pambansang Pulisya sa pagbubukas ngayon ng Barangay at SK Elections.

Ang Media Action Center sa Camp Crame ang opisyal na maghahatid ng mga update o mga kaganapan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong halalan.

Kaugnay rito, kinumpirma ng PNP na nanatiling mapayapa hanggang sa mga oras na ito ang pangkabuuang paghahanda ng pamahalaan para sa BSKE.

Bagama’t may naitalang mga insidente na may kaugnayan sa halalan, tiniyak naman ng pulisya na agad nila itong naaakisyunan.

Mula noong Oktubre 28, 2023, araw ng Sabado, nananatiling naka-full alert status ang PNP sa buong bansa katuwang ang 18,000 na mga tauhan nito na nakakalat ngayon sa mga kaukulang polling precincts.

Batay sa pinakahuling tala ng PNP, sa ilalim ng gun ban implementation, umabot na sa 1,992 ang naaresto sa paglabag sa nasabing kautusan, habang nasa 1,454 naman ang nakumpiskang mga armas, 2, 325 ang nakadeposito for safekeeping at 1, 683 naman ang nai-surrender.

Habang nakapagtala ang PNP ng kabuuang 151 election-related reported incidents kung saan 30 dito ang validated, 33 ang suspected at 88 naman ang walang kinalaman sa eleksiyon.

Nananatiling istrikto ang PNP katuwang ang AFP sa ipinatutupad na checkpoints sa buong bansa para masiguro na walang makalulusot na insidente ng karahasan o kaguluhan para sa eleksiyon.

Mula Oktubre 27, 2023, umabot na sa 317, 596 ang naipatupad ng COMELEC checkpoints.

Sa ngayon, mahigpit na binabantayan ng PNP ang mga private armed groups (PAGs) na kadalasang ginagamit tuwing eleksyon upang manggulo o maghasik ng takot.

Sa pinakahuling tala ng PNP, nasa 38 ang potential PAGs kung saan apat umano dito ang aktibo.

Maliban sa BARMM, idineklarang nasa ilalim ng COMELEC control ang Libon Albay at Negros Oriental dahil sa mga ilang kaso ng karahasan na may kinalaman sa nasabing halalan.

Isang oras kasunod ng opisyal na pagsisimula ng botohan sa buong bansa, isa sa mga kinumpirmang tututukan ng PNP ang maayos na pagtatapos nito hanggang sa bilangan ng boto at ligtas na maihatid ang mga balota sa mga munisipyo.

Maliban sa PNP, magkakaroon din ng focal person sa pasilidad ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Education (DepEd) at Commission on Elections (COMELEC). Paalala ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. sa kaniyang mga tauhan na laging maging handa at alerto sa anumang mga reklamo na idudulog sa kanila partikular sa mga lugar na nasa ilalim ng red category.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter