Seguridad sa Manila South Cemetery, mas hinigpitan

Seguridad sa Manila South Cemetery, mas hinigpitan

MAS mahigpit na seguridad ang ipinatutupad sa Manila South Cemetery sa araw na ito.

Dahil ngayong araw ay inaasahan ang talagang dagsa ng ating mga kababayan dito sa isa sa kilalang sementeryo sa Metro Manila.

At sa ngayon ay unti-unti ang pagdating ng ating mga kababayan kung saan hindi pa gaano kasikip ‘yung pasukan sa Manila South Cemetery.

At sa may mismong entrance ay makikita ang mahigpit na inspeksiyon ng mga awtoridad sa mga bagahe.

Kung saan may ilan nang nakumpiska tulad ng mga lighter.

Kaya kung ayaw makumpiskahan ng gamit ay huwag nang magdala ng mga bagay na matutulis, alak, pati perfume dahil posible itong paglagyan ng alak.

Sa ngayon ay nasa 200 na pulis ang nagbabantay. Bukod sa mga pulis ay meron ding mga medic, taga Bureau of Fire Protection (BFP), at ang Philippine Red Cross na handang umalalay sa ating mga kababayan.

Dahil sa bawal na ang mga sasakyan sa loob ay meron namang mga e-trikes na puwedeng magdala sa ating mga kababayan sa kanilang pupuntahan na puntod.

Follow SMNI NEWS on Twitter