Seguridad sa paggunita sa ika-451 Araw ng Maynila, tiniyak ng MPD

Seguridad sa paggunita sa ika-451 Araw ng Maynila, tiniyak ng MPD

KINUMPIRMA ng Manila Police District (MPD) na humigit kumulang 300 na mga pulis personnel ang ide-deploy sa paggunita sa Araw ng Maynila bukas.

Inihayag ni MPD Chief, Public Information Office, Maj. Philipp Ines na all set na ang inilatag na seguridad sa gagawing mga aktibidad bilang paggunita sa ika451 Araw ng Maynila bukas.

Ayon kay Maj. Ines ang mga aktibidad sa kaganapan na gagawing bukas ay magsisimula ng alas7 ng umaga sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Rajah Sulayman sa may Roxas Boulevard.

Susundan din ito ng float parade at street dance na sisimulan mula Katigbak Drive papunta sa Kartilya ng Katipunan sa may Taft Avenue Exit, Ermita Manila.

Mayroon pa rin isang kaganapan ng wreath laying ceremony sa Intramuros, Maynila na sisimulan naman ng 8:30 ng umaga.

At pagsapit naman ng alas-7 ng gabi mayroon ding tinatawag na Gala Night na gagawin sa Metropolitan Theater.

“Oo nakaplanado na yan, meron naman tayong naka advance na security plan diyan kaya, ‘yung security coverage namin taon taon ginagawa na po natin yan sa Maynila,” ayon kay Ines.

Samantala kinumpirma rin ni Major Ines sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30, 2022 ang pagdeploy naman ng humigit kumulang na 5,000 MPD personnel sa lungsod.

Ipinabatid din ni Ines na sa Hunyo 27-Hulyo 2 ng alas-6 ng umaga ay magkakaroon ng suspension ng permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) o pagbabawal sa pagdadala ng baril.

Magkakaroon din ng 13 border checkpoint sa siyudad.

May ilan din aniyang mga kalsada na pansamantala munang isasara na sisimulan na sa Lunes, pero aabot lamang sa 1-2 oras dahil sa isasagawang dry run o paghahanda sa nalalapit na inagurasyon.

Dagdag din ng opisyal bagama’t wala pa namang inilalabas na pinal na kalsadang isasara ay posible dito ang P. Buros, Finance Road at sa may south bound ng Taft Ave.

May paalala rin ang MPD sa mga kababayan nating dadalo sa inagurasyon at nagbabalak na mag protesta kay incoming President-Elect Bongbong Marcos.

“Unang-una makinig tayo doon sa mga announcement, ano yung mga puwede at di puwedeng puntahan doon. Mayroon naman tayong ibibigay na final na posting natin tungkol sa mga kalsada na isasara natin at doon sa mga kababayan natin na nagtatangkang sabi nga natin eh magprotesta, nakikiusap pa rin tayo sa kanila na kung maaari ipagpaliban muna ang kanilang mga aktibidad na ‘yan at sabi nga natin marami namang araw ‘wag mo muna nating isabay doon kasi alam natin mabigat ang daloy ng trapiko sa araw na yaon,” pahayag ni Ines.

Sa kasalukuyan mayroon ding awarding ceremony para sa Outstanding Manilans na ginagawa sa Metropolitan Theater.

Follow SMNI News on Twitter