Selebrasyon ng Chinese New Year, limitado lamang sa loob ng bahay

ISA ang Chinese New Year sa makulay at magarbosong selebrasyon sa Pilipinas na ipinagdiriwang tuwing unang araw sa unang buwan ng Chinese calendar o sa pagitan ng Enero 21 hanggang Pebrero 20.

Tradisyon na sa mga Pilipino ang selebrasyon ng Lunar New Year na may kasamang dragon dance, street parties, parade ngunit dahil sa sitwasyon ngayon na may pandemya ay limitado lamang sa loob ng bahay ang kaganapan kasama ang pamilya.

Sinabi nga ng isang Filipino-Chinese business owner na si Dr. Henry Lim na hindi na muna magiging magarbo ang Chinese New Year ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic.

“Being a law-abiding citizen, we have to respect the judgement of the mayor. So, palagay ko, medyo matamlay siguro ang Chinese New Year natin ngayon,” ayon pa ni Lim.

Inaasahan naman ni Lim na sa madaling panahon ay dumating na sa bansa ang bakuna laban sa COVID-19 upang makabalik na sa normal ang operasyon ng mga negosyo.

Una nang nagpalabas ng mandato si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ikansela ang lahat  ng mga aktibidad sa selebrasyon ng Chinese New Year  dulot ng pandemya.

Sa ilalim ng Executive Order No. 4 Series of 2021, nakasaad na walang dragon dance, street party, stage show, parade o anumang may kaparehong aktibidad sa selebrasyon ng Chinese New Year mula Pebrero 11 hanggang Pebrero 12 ng taong ito.

Pinagbawal din ang pagbebenta ng alak sa loob ng Binondo Chinatown sa panahon ng selebrasyon.

Bawal din ang paggamit ng firecracker at pyrotechnic devices para sa masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Nanawagan naman si Mayor Moreno sa Filipino-Chinese community na sumunod sa health protocols.

Para kay Moreno, mas mahalaga ang kaligtasan at kalusugan hindi lamang ng mga residente kundi pati na rin ng mga bisita na makilahok sa selebrasyon.

SMNI NEWS

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.