Sen. Alan Cayetano ipinangangamba ang paglabag sa karapatang pantao at ang kapangyarihan ng ICC sa Pilipinas

Sen. Alan Cayetano ipinangangamba ang paglabag sa karapatang pantao at ang kapangyarihan ng ICC sa Pilipinas

IPINAHAYAG ni Sen. Alan Peter Cayetano ang kaniyang matinding pangamba na ang ginawang pag-aresto ng Internation Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay maaaring maging simula ng isang mas malawakang hakbang kung saan ang hustisya ay ipinapataw nang labag sa due process.

Patuloy na umiinit ang diskusyon patungkol sa hurisdiksiyon ng ICC sa bansa, lalo na’t lumitaw ang pangamba na maaaring may paglabag sa karapatang pantao sa gitna ng mga ipinatupad na hakbang para panagutin si dating Pangulong Duterte.

Sa isang talumpati, sinabi ni dating DFA Secretary Sen. Alan Peter Cayetano ang kaniyang pag-aalala sa tila pagmamadali ng pagpapatupad ng warrant of arrest. Aniya, lumalabag ito sa prinsipyong legal ng due process, na siyang pundasyon ng hustisya sa Pilipinas.

“Ang pinaka-minimum na dapat nating isaalang-alang ay ang due process. Hindi pwedeng may korte sa ibang bansa na maglalabas ng warrant at basta na lang huhulihin at isasakay sa eroplano ang isang mamamayan ng Pilipinas,” pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Ang usaping ito ay nag-ugat mula sa kontrobersiyal na war on drugs campaign noong administrasyong Duterte.

Habang may mga nagsasabi na ito ay tagumpay para sa human rights, marami rin ang nagtatanong—nasaan ang due process? Tama bang hindi ito dumaan sa sariling sistema ng hustisya ng ating bansa?

Dahil dito, isang mahalagang tanong din ang ipinunto ni Cayetano:

“Kung kaya ng ICC na ipahuli ang isang dating Pangulo ng Pilipinas, ano ang pumipigil sa kanila na gawin din ito sa isang kasalukuyang opisyal o sa sinumang mamamayan? Hindi ba dapat may malinaw na proseso bago ito ipatupad?,” tanong ni Sen. Alan Peter Cayetano.

Sa gitna ng lumalalim na kontrobersiya, muling nabubuhay ang debate—may hurisdiksiyon ba talaga ang ICC sa Pilipinas?

Matatandaang tuluyan nang kumalas ang bansa mula sa ICC noong 2019, ngunit may ilan namang nagsasabing dapat itong igalang dahil ang mga kaso ay may kaugnayan pa sa panahong sakop pa tayo ng korte sa The Hague.

Sa gitna ng mainit na diskusyon, nananatiling hati ang opinyon ng publiko. Sa ngalan ng hustisya, dapat bang manaig ang kapangyarihan ng isang dayuhang hukuman, sa halip na ang sariling batas ng Pilipinas?

At higit sa lahat, paano natin masisiguro na sa pagpapatupad ng batas, walang natatapakang karapatan—kahit pa siya ay isang dating Pangulo ng Republika?

Sa ngayon, patuloy na nakatutok ang buong bansa sa magiging tugon ng Korte Suprema at ng iba pang sangay ng gobyerno sa isyung ito. Isa itong laban hindi lang para o tungkol sa iisang tao, kundi sa integridad ng sarili nating sistema ng hustisya at soberaniya bilang isang bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble