Sen. Alan Cayetano, pumalag sa ginawang pagkandado ng Makati LGU sa ilang fire stations at health centers

Sen. Alan Cayetano, pumalag sa ginawang pagkandado ng Makati LGU sa ilang fire stations at health centers

PINALAGAN ni Sen. Alan Peter Cayetano ang ginawang pagkandado ng Makati LGU sa ilang fire stations at health centers sa mga EMBO barangay.

“Sorry ha, I’m very emotional about this kasi can you imagine kung may sunog na nangyari diyan hindi lang po ‘yung mga gamit, ‘yung buhay ng mga tao,” ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano.

Idinaan sa social media ni Cayetano ang kaniyang pagkadismaya sa Makati LGU kasunod ng mga hakbang aniya nito na nakaapekto sa taumbayan.

Ito’y matapos na mapag-alaman nito na kinandado ang mga fire station at health centers na sakop sa pinag-aagawang lugar ng Taguig at Makati.

Paliwanag ng senador, dahil sa ginawa ng Makati LGU ay nalagay sa alanganin ang buhay ng ilang mamamayan.

“The issue is that the people of EMBO and Taguig were put in grave danger ‘nung Christmas Eve until now because kinandado ang mga fire station. Uulitin ko po ha, napakadelikado ng nangyari na ibinanduna ng Bureau of Fire ang mga fire station sa Embo barangays,” dagdag ni  Cayetano.

“Nung December 31, nakakandado na pala ang mga fire station, wala tayong kamalay-malay at alam naman po natin red alert kapag December 31 dahil maraming gumagamit ng mga paputok,” wika ni Cayetano.

Dagdag pa ng senador, ang mga property at lupa ay under contention pa kaya wala aniyang karapatan ang Makati LGU na ito’y ikandado at hindi ipagamit.

“Ang sabi daw ni Abby Binay mayor ng Makati, sila may-ari ‘nun. Mga kababayan, it doesn’t matter kung sino ang may-ari. Unang-una, under contention pa ‘yan, pagka-proclaimed land ‘yan kasi nga may Supreme Court decision. But ito po ang issue, when you’re in possession of a property, hindi ka paalisin ng bigla-bigla diyan, you need to be evicted and you cannot evict you unilaterally, kailangan ‘yan ng court order ‘pag ‘di ka pumayag,” aniya.

Kaugnay rito, sa kaparehong araw rin ay pinuntahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr. ang fire station sa barangay West Rembo sa Makati City na kabilang sa kinandado ng Makati LGU.

Ayon sa kalihim, kung anuman ang gusot na pinagdadaanan ng dalawang kampo ay maaari naman itong idaan sa maayos na usapan.

“Hopefully, we could solve this issue nang ganito kung ano ‘yung buhul-buhol, gusut-gusot mapag-usapan nang maganda,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Jr.

Binigyang-diin din ni Abalos na habang inaayos ang transition ay dapat na tuluy-tuloy ang serbisyo.

“Ang pag-aari nga kasi nitong building ang nagpagawa ay lungsod ng Makati, of course ang lupa po nito pag-uusapan pa ho. Ang importante dito ang simbolismo na habang pinag-uusapan tuluy-tuloy ang serbisyo,” dagdag ni Abalos.

Kaugnay rito, sinabi naman ni Cayetano,

“Hindi ko po talaga maintindihan bakit po nasa lahat ng kapangyarihan sa gobyerno eh ganito ang nangyayari, samantalang very, very clear ang Supreme Court decision. Very clear din lahat ng issue sa pagmamay-ari ay pag-uusapan kung ‘yan ay Makati talaga babayaran, kung hindi Makati. Hindi. Pero dapat hindi dapat maantala ang public service,” ani Cayetano.

Matatandaan na nito lang nakaraang budget hearing ay pinatawag ni Abalos ang lahat ng opisyal, Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP), at napagkasunduan na as of December 1 ay ita-transfer na sa Taguig ang jurisdiction sa 10 barangay ayon sa desisyon ng Supreme Court.

Sa ngayon, pangangasiwaan muna ng BFP National ang mga kinandadong fire station at magtatalaga ng tauhan habang patuloy pa na nakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) ang lokal na pamahalaan ng Taguig para sa kinandadong mga health center.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter