Sen. Alan Cayetano: SK postponement, panira sa pangarap ng ilang lider-kabataan

Sen. Alan Cayetano: SK postponement, panira sa pangarap ng ilang lider-kabataan

UMALMA si Senador Alan Peter Cayetano sa umano’y masasayang na pagkakataon ng mga lider-kabataan bunsod ng pagpapaliban ng Sangguniang Kabataan (SK) Elections mula December 2022 tungong October 2023.

Aniya, kinapos sa oras ang Bicameral Committee upang isaalang-alang ang ilang mahahalagang probisyon mula sa mga senador sa napagkasunduang bersyon ng nasabing panukala.

Sa isang manifestation sa Senado noong September 28, 2022, sinabi ni Cayetano na bagama’t naiintindihan niya kung bakit kailangan ipagpaliban ang SK Elections, madidisqualify nito ang mga kandidatong over-age na pagsapit ng October 2023.

Sa ilalim ng SK Reform Act of 2015, tanging mga Filipino citizen na edad 18-24 lang ang maaaring kumandidato sa SK Elections.

“Ngayon lahat ng mga SK na 24 years old, hindi na pwedeng tumakbo next year, so ninakaw natin at nanakawin natin ang pangarap nila because we postponed it,” aniya.

Idinirekta ni Cayetano ang kanyang mga komento kay Senador JV Ejercito, na siyang nagpresenta ng bicameral committee report tungkol sa Senate Bill No. 1306 at House Bill No. 4673 na nagpapaliban sa Barangay at SK Elections sa October 2023. Ipinasa ng Senado ang napagkasunduang bersyon ng panukala noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Cayetano, nakalatag sa Senate version ng panukala na payagang tumakbo sa October 2023 Barangay at SK Elections ang mga SK candidates na ngayon ay edad 24, bagama’t sila ay over-aged na sa susunod na taon.

Kinilala niya na mayron lang isang araw ang bicameral committee upang ikonsidera ang mga idinagdag ng mga senador, at magreresulta lamang sa “deadlock” kung ipipilit pa ang mga probisyon tungkol sa edad.

“Parang damned if we do, damned if we don’t tayo, because last-minute nag-bicam, and today lang,” ayon sa senador.

Nauna nang iminungkahi ni Cayetano na i-require ang mga miyembro ng bicameral committee na isumite ang kanilang report dalawa o tatlong araw bago ang huling session day para magkaroon ng sapat na oras ang komite na makapagpulong muli sakaling may mga pagtutol pa mula sa sinumang miyembro ng Senado o Kongreso.

“If we do the bicam a few days before (the last session day), we will have more bargaining power to force or to negotiate with our counterparts in the House regarding the provisions that I think are well thought of coming from this chamber,” aniya.

Umapela si Cayetano sa mga kapwa niya mambabatas na tanawin ang Sangguniang Kabataan bilang isang “equalizer” para sa pagsasanay ng kabataan sa pamumuno, lalo na para sa mga kabataan mula sa mahihirap na pamilya na tinitingnan ang paglahok sa SK bilang magandang oportunidad upang maglingkod sa kanilang komunidad.

“Alam niyo po y’ung mga mayaman, napakaraming opportunities for youth leadership e. Pero ang mahihirap, ito ang tsansa nilang maging involved sa barangay,” ani Cayetano.

“So I’m hoping this is really the last postponement,” dagdag ng senador.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter