SINUPORTAHAN ni Senator Alan Peter Cayetano ang panukala ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dagdagan ang allowance ng mga kasalukuyang empleyado nito at ang pensiyon ng mga retiradong diplomat at empleyado.
Pahayag ng senador, kailangan ito upang ‘makapamuhay sila nang may dignidad’ para maikatawan nang mahusay ang mga Pilipino sa ibang bansa at mapagserbisyuhan ang mga kababayang nagtratrabaho sa ibang bansa.
Sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises kung saan siya ang chairman, sinabi ni Cayetano na dapat lang na kilalanin ng gobyerno ang kontribusyon ng mga diplomat ng bansa na tulad ng mga overseas Filipino worker (OFW) ay nagsasakripisyo rin sa ibang bansa.
Sabi ni Cayetano, nagsilbi bilang Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary mula 2017 – 2018, malaki rin ang papel ng mga diplomat at empleyado ng DFA sa pagpapapasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
“Hindi hinihingi ng mga nag-sacrifice para sa ating bansa na kaawaan sila, whether mga na-disable sa war-torn areas. Ang hinihingi nila ay konting social justice dun sa mga inambag nila sa lipunan,” ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano.
Ipinunto niya na ang hinihingi lamang nila ay konting social justice d’un sa mga inambag nila sa lipunan.
Tinalakay sa pagdinig ang 6 na panukalang batas sa Senado na inihain ng magkakaibang senador na naglalayong dagdagan ang pension at disability benefit ng mga DFA retiree.
Isinagawa ng Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) committee and hearing katuwang ang Committees on Foreign Relations, Ways and Means, and Finance.
Kabilang sa mahahalagang probisyon ng mga nasabing panukalang batas ay ang pagbibigay ng karagdagang pensiyon sa mga retiradong empleyado ng DFA na nagsilbi ng hindi bababa sa 15 taon sa departamento anuman ang kanilang ranggo.
Sinabi ni DFA Usec. Antonio Morales na marami sa kaniyang mga kasamahan na nagretiro 20 taon na ang nakararaan–kabilang ang mga ambassador na nakarating pa sa pinakamataas na ranggo–ay tumatanggap lamang ng P20-K bilang buwanang pensiyon.
“They are now very senior citizens and that’s barely enough to cover their maintenance medicine,” ayon kay DFA Usec. Antonio Morales.
Kulang pa ani Morales ang nasabing halaga para sa maintenance nila sa gamot bilang senior citizens.
Dagdag pa rito, itinulak ng Usec. ang pagtaas ng allowance ng mga aktibong tauhan ng DFA na nasa ibang bansa na aniya ay humaharap sa panganib na bahagi ng kanilang trabaho at ‘pilit lang pinagkakasya ang allowance’.
“DFA has never asked for special treatment naman vis-a-vis when we deal with the pay scale of the whole government. But as far as allowances, we do know that if you’re assigned somewhere na napakataas ng cost of living, bale wala na ‘yung suweldo,” dagdag ni Cayetano.
Sinang-ayunan ito ni Cayetano at sinabing ang kasalukuyang allowance na natatanggap ng mga diplomat ay hindi sapat upang matugunan ang pagtaas ng cost of living sa ibang bansa.
Punto pa ng senador, mas maaakit ng DFA na magtrabaho sa ahensiya ang ‘the best and the brightest’ na Pilipino kung alam nilang matutugunan ang kanilang mga pangangailangan habang at pagkatapos ng kanilang serbisyo.