Sen. Alan, Pia nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng sunog, Bagyong Betty sa Baguio

Sen. Alan, Pia nagpaabot ng tulong sa mga biktima ng sunog, Bagyong Betty sa Baguio

DAAN-daang biktima ng kalamidad sa Baguio City ang nakatanggap ng tulong mula kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa pamamagitan ng kanilang inisyatibang Emergency Response Department (ERD) para makabangon mula sa epekto ng sunog at bagyo na tumama kamakailan sa lungsod.

Ang 400 mga benepisyaryo ay binubuo ng mga tindero’t tindera at mga trabahador sa Baguio Public Market na napinsala ng sunog noong Marso 12, 2023, at mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Betty noong Hunyo.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development-CAR at ng lokal na pamahalaan ng Baguio City sa pangunguna ni Lone District Representative Mark Go, namahagi ng tulong ang ERD team ng magkapatid na Cayetano.

Si Lilia Tiongson, isa sa mga nasunugan, ay nagpasalamat sa mga senador para sa tulong na aniya’y magagamit nilang mga nawalan ng puhunan at paninda para makapagsimulang muli.

“’Yung mga gamit kasi namin na mga kiluhan, IDs, ibang coins, at ibang papers — nasunog lahat ‘yun. Parang nagsimula ulit kami,” aniya.

Nakinabang din sa programa si Consorcia Domingo, isang 68-anyos na maybahay na nasira ang tahanan ng landslide na dulot ng Bagyong Betty.

Aniya, gusto niyang ipaayos ang kaniyang bahay pero wala siyang kakayanan dahil sa kawalan ng hanapbuhay.

“Matanda na po ako. Nasa bahay lang po ako at nagre-recover mula sa cancer,” pahayag ni Domingo.

Gagamitin aniya nito ang tulong para sa pagkukumpuni ng kaniyang nasirang bahay.

Nagpaabot din ng tulong ang mga Cayetano sa mga indigent patient sa Baguio sa pamamagitan ng help desk.

Isa sa mga benepisyaryo ay si Adelyn Ano, na ang biyenan ay sumailalim sa heart bypass surgery matapos atakihin sa puso.

May maliit na negosyo si Ano pero ang kanilang kita ay hindi sapat upang mabayaran ang lahat ng mga bayarin sa ospital.

“Sa experience namin ngayon, kahit anong meron ka, kung nagkasakit ka, ang bilis bilis maubos ng ipon,” aniya kasunod ng pasasalamat.

Nangako naman ang kabiyak ni Rep. Go na si Sol na patuloy na makikipagtulungan ang kaniyang asawa sa mga Cayetano para sa kapakinabangan ng lungsod.

Pinasalamatan niya ang magkapatid na senador sa kanilang “pagmamahal sa mga taga-Baguio.”

Ang ERD ay bahagi ng Bayanihan Caravan, isang inisyatiba nina Senador Alan at Pia na naglilibot sa bansa upang magbigay ng iba’t ibang uri ng tulong sa iba’t ibang sektor.

Follow SMNI NEWS in Twitter