Sen. Angara sa publiko: Makinig sa mga pagdinig para maintindihan ang Cha-Cha

Sen. Angara sa publiko: Makinig sa mga pagdinig para maintindihan ang Cha-Cha

HINIMOK ni Senator Sonny Angara ang publiko na makinig sa mga isinagawang pagdinig ng Senado sa Charter Change o ang pagbabago sa Saligang Batas.

Ito aniya ay para mas maintindihan pa ng mga Pilipino ang mga panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Matatandaan na sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 6 (RBH6) na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay nais nitong amyendahan ang economic provision ng Konstitusyon partikular na ang foreign ownership sa mga negosyo sa bansa.

Naniniwala ang mga mambabatas na makatutulong ito para makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas para sa ikalalago pa ng ekonomiya ng bansa.

Samantala, hinimok naman ng dalawang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Senado na suportahan ang isinusulong na Cha-Cha.

Ayon kina AAMBIS-OWA Party-List Rep. Lex Anthony Cris Colada at AKO Bicol Party-List Rep. Raul Angelo Bongalon, dapat suportahan ng Senado ang isinusulong na pag-amyenda sa “restricted” economic provisions ng Saligang Batas na adbokasiya anila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ay dahil anila, tatlong dekada nang laging namamatay ang usaping Cha-Cha pagdating sa Senado.

Matatandaan na tinututulan ng Senado ang kasalukuyang bersiyon ng Kamara sa Cha-Cha sa mga kontrobersiya, at sa pagsusulong ng ‘voting jointly’ ng dalawang kapulungan ng Kongreso na pinaniniwalaang makasisira sa check and balance ng bansa

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble