Sen. Bato Dela Rosa binatikos ang CPP-NPA sa pagsusulong ng kaso vs. FPRRD sa ICC

Sen. Bato Dela Rosa binatikos ang CPP-NPA sa pagsusulong ng kaso vs. FPRRD sa ICC

SA gitna ng mainit na kampanya ng PDP-Laban sa Sogod, Southern Leyte—mariing binatikos ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Ginagamit aniya ng mga rebeldeng komunista ang International Criminal Court (ICC) para litisin si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, giit ng senador.

“Gusto nila sa ICC kasi ‘yung mga tao dun, walang alam sa nangyayari sa Pilipinas kaya madali nilang maloko. Ang nasa likod ng kaso ay mga galit na CPP-NPA na gustong gumanti,” saad ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon kay Dela Rosa, galit ang CPP-NPA sa naging pamumuno ni Duterte dahil nabawasan ang kanilang puwersa sa bansa noong ipinatupad ang “War on Drugs”.

“Galit na galit sila dahil nawalan sila ng lakas. Gusto nilang bumawi at siraan si Digong,” dagdag ni Sen. Dela Rosa.

Nanawagan din ang senador sa mga taga-Southern Leyte na magkaisa para protektahan ang karapatan ng dating pangulo na siya ring anak ng Leyte.

“Kaya ako’y nananawagan sa inyo, magkaisa tayo. Kung hindi tayo magkaisa, patuloy tayong aapihin!” aniya.

Matatandaang naghain sina Dela Rosa at Duterte ng petisyon sa Korte Suprema para pigilan ang kooperasyon ng Pilipinas sa ICC.

Iginiit din ng senador na ang pag-aresto kay Duterte ay isang uri ng “kidnapping” at hindi dumaan sa tamang proseso.

Si Dela Rosa ang naging hepe ng Philippine National Police (PNP) at pangunahing tagapagpatupad ng “War on Drugs” ng administrasyong Duterte. Mahigit 1.6 milyong drug dependents ang sumuko sa ilalim ng naturang kampanya.

Giit ni Dela Rosa, kailangang ipaglaban ng mga Pilipino ang karapatan ng kanilang mga lider laban sa aniya’y dayuhang panghihimasok.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble