Sen. Bato Dela Rosa, nanawagan sa Senado na ibalik ang P10B kaltas sa 2025 AFP Modernization budget

Sen. Bato Dela Rosa, nanawagan sa Senado na ibalik ang P10B kaltas sa 2025 AFP Modernization budget

HINIMOK ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang Senado na ibalik ang P10B kaltas na ipinasa ng Mababang Kapulungan mula sa P50B budget para sa Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program para sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni Dela Rosa ang kaniyang apela sa plenary deliberation ng panukalang P6.352T pambansang budget, at sinabi na ang pagbabawas sa pondo ng modernization program ay taliwas sa mga pahayag ng mga politiko na nagpapakita ng suporta sa AFP, lalo na kapag sila ay nasasaktan habang ipinagtatanggol ang teritoryo ng bansa, partikular na ang West Philippine Sea.

“Being a former member of the Armed Forces of the Philippines, a former member of the Philippine National Police, and now a senator of the Republic, I cannot help but point out a glaring contradiction na nakikita ko. Kasi every time may mangyaring hindi maganda during our resupply missions to the Ayungin Shoal…our immediate reaction is like this: ‘We condemn in the highest terms this incident, and we have to see to it that we have to modernize our Philippine Navy,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ikinumpara ni Dela Rosa ang National Expenditure Program (NEP) at ang General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Mababang Kapulungan, at ipinahayag na ikinalungkot niya na ang P50B inilaan ng Executive Department para sa Revised AFP Modernization Program ay bumaba sa P40 bilyon. Ang mga pagbabagong ito na ginawa ng mababang kapulungan ay in-adopt ng komite ng Senado sa kanilang ulat ukol sa panukalang budget.

“Iyon palagi ang linya nating masasabi as politicians, as legislators. And now, here comes the budget deliberations, binawasan pa ng P10 billion iyong NEP ng Department of National Defense… Sana coordinated palagi or synchronized iyong sinasabi natin as politicians at iyong ginagawa natin as legislators who have the power of the purse,” ani Dela Rosa.

Binigyang-diin ng dating PNP chief na hindi dapat palaging umiiwas o nagtatago ang unang linya ng depensa ng bansa kapag nahaharap sa mga nais kumalaban sa kanila.

Nanawagan siya na ibalik ang kaltas sa budget na ipinatupad ng Mababang Kapulungan upang mapataas ang moral ng mga Pilipinong sundalo.

“Hindi natin sinisisi ang gobyerno natin, hirap tayo sa pera. Pero kung maramdaman ko being a soldier, being a sailor na iba pala iyong priority ng gobyerno natin, pina-priority pa iyong pamimigay ng AKAP… tapos binawasan pa ng Lower House ng P10 billion, iba rin ang magiging reaksiyon, as far as morale is concerned,” aniya.

Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe na titingnan niya ang apela ni Dela Rosa at sinabi niyang handa siyang isaalang-alang ang suhestiyon ng senador.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble