WALANG aatrasan si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa sinumang tutuligsa sa kaniyang paglaban noon sa ilegal na droga sa nakaraang Duterte administration.
Sa katunayan, sa kaniyang naging talumpati sa harap ng mga miyembro ng Fraternal Order of Eagles ay nanawagan pa ito sa naturang grupo na ipagpatuloy ang kaniyang adbokasiya.
Aniya kahit na bitayin pa siya ng International Criminal Council (ICC) hindi siya aatras sa paglaban sa ipinagbabawal na droga na nakasisira sa kinabukasan ng pamilya at mga kabataan.
“Wala akong takot dahil sabi ng Pangulo…Sa Rome statute umalis na tayo,” ayon kay Sen. Ronald dela Rosa.
Matatandaan na si Sen. Bato ay ang Chief of Police ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang ilunsad at pangunahan ang kampanya ng war on drugs.
Ang dalawa ay parehong inirereklamo sa ICC dahil sa umano’y human rights violations na hanggang sa ngayon ay hindi pa napatutunayan.
Pero sa kabila nito ay sinabi ni Sen. Bato na wala siyang pakialam kahit na maging impiyerno ang buhay niya basta kaniya lamang na masiguro ang maayos na pamumuhay ng kaniyang mga kababayan na hindi lulong sa ipinagbabawal na droga.
Iginiit pa ng senador na minsan lang nabubuhay sa mundo ang tao kung kaya’t gawin na ang dapat gawin para sa ikabubuti ng lahat.
Kaugnay rito, tiwala naman si Sen. Bato na makatutulong ang Fraternal Order of Eagles sa kaniyang adbokasiya sa pagbuwag sa illegal drugs dahil sa lawak ng mga miyembro nito sa Pilipinas na maaring makapagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.
“As I have said hindi magtatagumpay ang gobyerno… Ituloy ang kanilang commitmemt na tumulong sa gobyerno,” ani Sen. Dela Rosa.