Sen. Bato, itinanggi na siya’y nagtatago

Sen. Bato, itinanggi na siya’y nagtatago

MARIING pinabulaanan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kasalukuyan siyang nagtatago mula sa posibleng pagpapaaresto sa kaniya ng International Criminal Court (ICC).

Sa kabila ng mga pangyayari ay naniniwala pa rin si Sen. Bato na may hustisya pa rin sa bansa dahil mayroon pang Korte Suprema na itinuturing niyang huling pag-asa para makamit ang katarungan.

“Sana manindigan ang ating Supreme Court. Huwag silang magpadala sa Malacañang o sa Executive Department of Government. Dapat ipanindigan nila na sila ay independent at may sariling desisyon. Dapat hindi sila magpaimpluwensya kanino man,” pahayag ni Sen. Bato.

Pagdating naman sa tanong kung sakaling siya’y posible ngang ipadakip tulad ng nangyari kay dating Pangulong Duterte?

“I will cross the bridge when i get there,” maikling sagot ng Senador.

Samantala, nagpasalamat naman ang senador sa kapwa niyang senador na si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa naging payo nito para sa kaniyang proteksyon.

“Ako’y nagpapasalamat sa ating Senate President, ako’y nagpapasalamat sa kaniyang mga pronouncement at talaga namang mayroon siyang intensyon na tayo’y poprotektahan,” ani Sen. Bato.

Dagdag pa ni Sen. Bato, wala na aniyang ibang rason kung bakit itinanggi ng Office of the Solicitor General na depensahan ang gobyerno sa pagsuko nito kay dating Pangulong Duterte sa ICC kundi dahil ito nga ay ilegal.

“It only shows that what this government has done to PRRD is illegal. Very clearly illegal. Kaya hindi masikmura ng SolGen o ng Solicitor General na hindi niya kayang depensahan ang gobyerno sa kanyang mga iligal na ginagawa. Wala nang ibang rason pa diyan. Ganun talaga,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter