Sen. Bato, nag-init ang ulo sa naging pagdinig sa Senado sa PDEA leaks

Sen. Bato, nag-init ang ulo sa naging pagdinig sa Senado sa PDEA leaks

NAG-init ang ulo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa pangingialam ng vlogger na si Maharlika sa takbo ng pagdinig sa Senado.

Habang nagpapatuloy kasi ang pagdinig ng Senate Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Sen. Bato sa kontrobersiyal na PDEA leaks ay nag-post sa social media ang U.S. based vlogger na nagpapahiwatig na hindi patas ang senador.

Sa nasabing post ay tinanong ni Maharlika kung nabayaran na ba ni First Lady Lisa Marcos ang mambabatas.

Sa iba pa niyang post sa social media ay kinuwestiyon ni Maharlika kung bakit hindi ang umano’y paggamit ng ilegal na droga ni Marcos Jr. ang iniimbestigahan ng senador.

Pinuna rin ng vlogger ang lumantad na apat na PDEA employees na kumontra sa pahayag ng former PDEA agent na si Jonathan Morales na siyang signatory sa mga dokumentong nagdidiin kay Marcos bilang cocaine user noon.

Matatandaan na kinumpirma ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nasabing confidential report sa isang rally sa Tagum City.

Ang mga dokumento kontra kay PBBM ay unang lumabas sa isang vlog ni Maharlika.

Ex-PDEA agent, nanindigang totoo ang mga dokumentong nag-uugnay kay PBBM sa ilegal na droga

Sa isang interview matapos ang unang pagdinig ay muling iginiit ni Morales na totoo ang mga nasabing dokumento.

 “Hindi naman basta pwedeng balewalain dahil nakita ng dating Pangulong Duterte. May sinasabi siyang report na nakita niya involving actress Maricel Soriano at President Bongbong Marcos. Kaya itong report na ito ay resulta lang ng trabaho. Naiintindihan ko sila, dinedeny nila ngayon dahil nga sitting President eh,” ayon kay Jonathan Morales, Former PDEA Agent.

Sa pagtanggi naman sa kaniyang mga alegasyon ay sinabi ni Morales na naiintindihan niya ang kaniyang mga dating kasamahan sa ahensiya.

“Part lang talaga na pinapunta sila rito dahil sa Hepe nila na ang nag-uutos. ‘Yun nga lang nakalulungkot dahil sa mamimili talaga sila dun sa akin at dun sa pagkain sa mesa nila,” dagdag pa ni Morales.

Para naman kay Sen. Bato, nananatili pa rin sa isang deadlock ang pagberipika sa mga classified document.

“That’s official statement coming from PDEA, so who am I not to believe PDEA? At ito naman si Morales na nagsasabi na siya ang gumawa ng papeles na ‘yan na andun na kay Maharlika at kumalat na sa social media ay hindi ko rin pwede sabihin na hindi totoo ang sinabi niya kasi anjan naman talaga ‘yung dokumento,” ayon kay Sen. Dela Rosa.

Matapos ang unang pagdinig kaugnay sa PDEA leaks ay agad nang nag-executive session ang komite kasama ang mga taga-PDEA.

Ayon kay Sen. Bato, asahan na magkakaroon pa ng kasunod na pagdinig hangga’t di pa natutukoy kung sino ang nag-leak sa mga nasabing confidential na dokumento.

Ang vlogger na si Maharlika ay imbitado na rin sa susunod na pagdinig

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble